Sinisira si Tamayo (Last Part)
Pinabulaanan ni Admiral Wilfredo Tamayo ang mga akusasyon na may iregularidad sa paggamit ng pondo sa pinamumunuan niyang Philippine Coast Guard (PCG). Paninira umano ito sa kanya at sa PCG. Katulad ng ulat na nagkaroon ng “malversation of funds” sa P325 milyon na ni-release para sa operasyon ng PCG noong 2007. Wala umanong natanggap na P325 milyon ang PCG. Ang nasabing pondo ay nakatakda sanang ilaan sa pagbili ng mga bagong marine pollution equipment. Ang Coast Guard ang “recipient” at walang partisipasyon sa pagbili ng naturang mga kagamitan. Nilinaw ni Tamayo na P125 milyon lamang ang nagamit sa pagbili ng mga marine pollution at hazardous material equipment para sa Marine Environmental Protection Command. Ganundin sa pagpapagawa ng mga barko at eroplano na ginagamit hindi lamang sa mga search and rescue operations kundi pati na rin sa pagsasagawa ng environmental patrol at sa mga gawaing may kaugnayan sa oil pollution prevention.
Ipinaliwanag ni Tamayo na ang lahat ng transaksiyong nabanggit ay may mga kaukulang dokumento at papeles na magpapatunay na walang anomalyang naganap. Dagdag pa rito, walang nakitang iregularidad ang Commission on Audit at DOTC audit teams sa mga isinagawang regular at special audit sa mga nabanggit na sub-alloted funds, maliban sa ilang pagkukulang sa tamang proseso ng pagrerekord at pagdodokumento, na kaagad namang binigyang aksyon ng PCG, may tatlong taon na ang nakalilipas. Binigyang diin ni Tamayo na ang PCG ay dinamiko at propesyunal na organisasyon na patuloy na sumusunod sa mga kasalukuyang regulasyon ng COA sa wastong paggamit ng pondo.
Pinabulaanan din niya na may nakabimbing kaso ng korapsyon ang mga matataas na opisyales ng PCG sa Ombudsman. Si Tamayo na nakatakdang magretiro sa susunod na buwan ay binigyan ng clearance ng Ombudsman. Wala ring nakasampang kaso kay Tamayo sa COA at DOJ. Nalulungkot ang mga tauhan ng PCG sa mapanirang isyu. Ang napaulat na kaso ni Admiral Edmund Tan ay base sa kanyang performance of duties at hindi sa paggamit ng pera. Si Vice Admiral Ramon Liwag at Commodore Luis Tuason ay wala ring nakabimbing kaso sa Ombudsman at NBI.
- Latest
- Trending