HINDI ko alam kung ano pa ang hinihintay ni Ombudsman Merceditas Gutierrez. Napakaraming bumoto sa Kongreso para ma-impeach na siya dahil sa pagtaksil sa tiwala ng publiko. Mga hindi inaksyunan na kaso. Mga maliwanag na pinaboran ang kaalyado’t kaibigan, at iba pa. Higit 200 mambabatas ang bumoto para ma-transmit sa Senado ang impeachment niya. Walang magawa ang mga kaalyado’t padrino dahil bumaliktad na ang kanilang mundo. Hindi na sila maangas ngayon. Ngayon, mahinahon na rin magsalita si Gutierrez. Mga rebulto at krus pa ang katabi kapag nakakapanayam. Lahat na ng klaseng sitwasyon ginagawa para magbago ang tingin at opinyon ng publiko sa kanya. Itim na pulitiko raw ang umiral sa Kamara nung botohan. Naku, may iitim pa ba sa panahon ni dating President Gloria Macapagal Arroyo, na nadun din para bumoto laban sa impeachment? Pero sa kabila ng kanyang walang saysay na pagtanggol sa sarili, kasunod pa ng impeachment sa kanya, may kampanyang lagdaan para siya’y bumitiw na sa tungkulin. Kung baga, huwag na lang sayangin ang oras at pera ng bayan at siguradong matatanggal na siya sa trabaho, kaya bumitiw na lang at baka may masalba pang dignidad niya. Hindi pa ba ma-gets na ayaw na sa kanya ng taumbayan? Maaaring sabihin niya na hindi naman ang taumbayan ang naglagay sa kanya sa posisyon. Pero sino ba ang tunay na “boss” sa isang demokrasya?
Pero hindi. Palaban pa rin. Ni hindi raw magbabakasyon habang hinihintay ang simula ng impeachment sa Senado. Kahiyaan at yabang na lang ang nagpapaandar kay Gutierrez. Sa bagay, may mga kapareho naman siyang lumalaban para manatili sa puwesto o kaya’y nagpupumilit na wala silang kasalanan. Sina Carlos Garcia, Jacinto at Erlinda Ligot, Muammar Gaddafi ng Libya. Mga ayaw bumitiw o kaya’y nagmamalinis. Iyan ang mga katulad ni Merceditas Gutierrez. Bagay nga silang magkakasama!
Sana nga tunay na bilang na ang mga araw ng pinaka-kontrobersyal na Ombudsman sa kasaysayan ng tanggapan. Kaya nga sana ay bumitiw na lang para tapos na. Huwag nang idaan sa nakakahiyang paghahatol, kahit maliwanag na may mga lumilitaw na kakampi niya sa Senado! Naniniwala ako na tunay na hustisya ang iiral kapag nagsimula na ang demanda kay Gutierrez, at hindi iyong estilo o pananaw niya ng “hustisya”! Siya naman ngayon ang makakatikim ng paghahatol, na hindi niya ginawa sa ilang mga kaso kung saan kasangga niya ang sangkot. Umiikot talaga ang mundo at siya naman ang nasa ilalim ngayon!