Pambansang abogado
CONGRATULATIONS sa lahat ng bagong abogado! Special mention sa magigiting na iskolar ng Maynila sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Law. Iisa ang adhikain ng bawat aplikante sa PLM College of Law, ang makatulong sa kapwa. Wala ni isang nagdeklara na pinasok ito para kumita ng pera. Heto na ang pagkakataon n’yo mga Companero – panahon na para magbayad utang sa lipunan.
Katungkulan ng inyong abogado na kayo’y ipaglaban. Subalit hindi lamang pakikipaglaban o panananggol ang trabaho namin. Isa sa pinakamahalagang responsibilidad ng isang nakapag-aral ng batas ang tumulong upang ilinaw sa lipunan ang mga komplikadong usapin ng pamahalaan. Kahit andyan na ang media upang maghatid ng balita, hindi sila ang tamang instrumento upang mamahagi ng pag-unawa.
Tulad na lamang ng pag-esplika sa proseso ng impeachment, o ang mga sensitibong implikasyon ng mga pagkilos sa mundo ng diplomasya, o ang mga pag-audit sa matataas na opisyal ng pamahalaan o ang pagpapasara ng banko – kritikal sa pag-intindi ng mga usaping ito ang malaman ang pasikut-sikot ng mga batas na sumasakop dito. Sa komunidad, ang mga abogado ang nasa magandang posisyon upang magbigay liwanag sa mga nais makaalam. At dahil sa aming training na tingnan ang lahat ng panig ng bawat isyu, kumpleto lagi ang kuwento at hindi nakukulayan.
Kaya basta may mahalagang diskusyong pag-uusapan, maaasahan ang mga abogado sa komunidad na makilahok. Tama lang naman ito dahil ang pagiging eksperto sa batas ay isang katangian na may taglay din ng sarili nitong obligasyon. Gaya rin ng mga nag-aral ng medicine at ng iba pang matataas na antas ng edukasyon, bahagi ng iyong pag-abot sa mataas na antas na iyan ang ekspektasyon na gagamitin mo siya para sa ikabubuti ng mas nakararami. Kung sino ang pinagpala, siya ring dapat na mamahagi ng mabuting kapalaran.
Lahat ng college of law sa iba’t ibang pamantasan ay tumatanggap na ng aplikasyon. Kung nais n’yo ring makatulong at makapagbayad utang sa kabutihang palad na nakamit sa lipunan, bakit hindi subukan?
- Latest
- Trending