Maliliit na depositors nabiktima na naman
ISA na namang banko ang tumutulpit —at muli naiipit ang maliliit na depositors. Muli rin sisingilin ng gobyerno sa ating mga nagbabayad ng buwis ang pantustos sa naluging banko. Mananatili pa ring mayaman ang bankero, at nasa puwesto ang mga opisyales na dapat nagbantay sa kanya.
Parang napanood na natin noon ang kasalukuyang istorya ng Banco Filipino thrift bank ni Bobby Aguirre. Iba nga lang ang pamagat at mga aktor noon: Sina Celso delos Angeles sa Legacy Group, at Joe Go sa Orient Bank. Pero pareho ang storyline: Masyadong agresibo ang paglaki ng banko dahil sa kahina-hinalang pamamaraan. Hinihimok ang maliliit na depositors sa pamamagitan ng sobrang laking savings interest rates. Pero hinuhuthot lang pala ang pera nila. Sa kalaunan hindi makakayanan ng banko na bayaran ang interes. Biglang magba-bank holiday: Isasara lahat ng branches kaya maiipit ang pera ng depositors. Saka lang papasok ang regulator na Bangko Sentral ng Pilipinas at uusisain ang pamunuan ng banko. Tapos, habang nagbabangayan sila sa media, uutusan ng Monetary Board ang Philippine Deposit Insurance Corp. na pamahalaan muna ang banko. Mula sa perang buwis — na ibinayad natin —isosoli ang mga deposito hanggang sa P500,000 na insured.
Nasa ganyang yugto na ang istorya ng Banco Pilipino. Nagsisisihan ang management ng banko at BSP kung sino ang maysala. Totoo ba ang paratang ng BSP na nanloko ang BF sa pamamagitan ng napakataas na interest rate offers? O totoo bang inipit ng BSP ang BF, na imbis na pautangin ng matagal nang napagkasunduang P25 bilyon ay sadyang pinagkaitan ng kapital?
* * *
Abangan ang Sapol sa radyo, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending