Hindi akalain nating mga tao
malakas na lindol tatama sa mundo;
At sa bansang Japan ay nangyari ito
ang nasasawi na halos libu-libo!
Talagang disaster – nahati ang dagat
nabiyak ang lupa – tubig ay tumaas;
Nabuo’y tsunami na kagila-gilalas
malalaking alon maramng winasak!
Kaya sinasabing sa naturang bansa
malakas na lindol ngayon lang tumama;
Maraming tahanan ang biglang nagiba
tao at sasakyan tinangay ng baha!
Mga mayayaman, mga dukhang tao
sa bilis ng tubig walang nakatakbo;
Kaya hanggang ngayon nagbibilang tayo
ng mga namatay at taong naglaho
Mga Pilipinong naroroon sa Japan
hindi pa masabi naging kapalaran;
Natatakot ngayon ang kamag-anakan
sila ba’y nasawi o baka sugatan?
Marapat na ngayon at tumpak na gawin
mga Pilipino’y pagdasal natin;
Mga kababayang sinakmal ng lagim –
sana’y ligtas silang magbalik sa atin!
Mga Pilipino kaya naroroon
may gawain sila sa bayan ng Hapon;
Pagka’t ang Japanese kaibigan ngayon
gumaganap sila ng dakilang misyon!
Doon ay maganda trabaho at sweldo
kaya nagtitiis na sila’y malayo;
Kung sila’y nasawi sa lindol-delubyo –
ginusto ng Diyos kapalarang ito!
Ang lakas ng mundo ay daig ng langit
kaya buhay natin ay may sinasapit;
Bansa mang malaki o bansang maliit
yagit lamang ito sa lindol at tubig!