LIMANG taon din na naging magsiyota sina Jimmy at Marrieta. Sa tagal ng panliligaw at paglabas nila para mag-date, hindi kailanman sinubukan ni Jimmy na galawin si Marrieta. Walang nangyari sa kanila dahil sa iginagalang umano ni Jimmy ang pagkababae ni Marrieta.
Nagpakasal sila noong 1980 pero wala pa ring nangyari sa kanila. Hindi sila nagtatalik kahit pa alam at aminado si Jimmy na kaya niyang sipingan ang asawa. Sa kabila nito, nakalipas ang tatlong taon at nanatili pa rin na birhen si Marrieta.
Noong 1984, sumuko na ang babae. Nagsampa si Marrieta ng kasong “annulment” para maipawalambisa ang kasal nila ni Jimmy dahil baog daw ang lalaki. Kaya bang tumuloy ng kaso?
OO. Ang patakaran sa ating batas, laging ipagpapalagay na hindi baog at may kakayahang magkaanak ang isang lalaki. Maliban na lang kung may tatlong taon na ang nakalipas simula ng magpakasal sila. Ang tawag ng mga Amerikano sa doktrinang ito ay “doctrine of triennial cohabitation”.
Ayon din sa kasong Tompkins vs. Tompkins (92NJ eq 113,111 A.H. 599), sa paglilitis ng kaso na tatlong taon na pero hindi pa rin sinisipingan ng lalaki ang kanyang asawa, lilipat sa lalaki ang obligasyon o tungkulin na magpakita ng ebidensiyang magpapatunay na hindi siya baog. Sa kasong nabanggit, ipinagpipilitan ng lalaki na kaya niyang makipagtalik sa ibang babae pero ayaw lang niyang galawin ang kanyang asawa. Sayang nga lang at ayon sa korte, hindi sapat ang mga ipinahayag niya upang makontra ang doktrina (doctrine of triennial cohabitation). Sabi naman ng korte, puwedeng hindi talaga tinatablan ang lalaki sa kanyang asawa pero kaya niyang makipagtalik sa iba.
Ang kaso nina Jimmy at Marrieta ay pareho sa kaso sa Amerika. Wala pa tayong kaso sa Pilipinas na ginamitan ng korte ng doktrinang ito.
Pero sa batas ng Simbahang Katoliko, maaaring humingi si Marrieta ng tinatawag na “Papal Dispensation” o permiso mula sa Santo Papa upang maipawalambisa ang kanyang kasal sa dahilan na hindi sila kailanman nagtalik ng asawa (Art. 1119, Canon Laws).