Supermen
NAKATUTOK pa rin ang mundo sa mga imahe ng disgrasya sa Japan. Mga pobreng residente. Lindol. Tsunami. Blizzard. Ngayon, nuclear radiation. Pusoy na sa trahedya. Balisa man ang lahat sa sinapit nila, napapagaan ang damdamin sa kahanga-hangang disiplina at karakter na nasasaksihan. Sa totoo lang, ang kanilang panloob na lakas ang nagbibigay pa ng pagasa sa mga miron.
Paano kaya haharapin ng Pinoy ang ganitong uri ng pagsubok? Huwag nang pag-usapan ang paghanda o kakulangan nito. Itanong na lamang: Ganito rin kaya tayo katatag sa harap ng pambihirang paghihirap?
Minsan na ring tinimbang ang pambansang karakter — ito’y noong matagumpay nating idinaos ang kauna-unahang mapayapang himagsikan sa EDSA. Hinangaan din ang Pilipino sa lahat ng sulok ng mundo. Ang Pinoy style people power ang naging modelo ng iba pang mga pag-aaklas na sana’y mauuwi sa patayan Kung Hindi naipakita ng Pilipinas ang mas magandang paraan.
Maaring sa modernong kasaysayan ay ngayon pa lamang may mamalasin ng ganitong kagrabe. At Hindi pa nga dito nagtatapos dahil ang posibilidad ng nuclear disaster ay hindi maikakaila. Gayunpaman, kahit worst case na ang mangyari at magmistulang apocalypse na ang maganap, hindi na mabubura sa isip ng lahat ang halimbawang handog ng mga Hapones sa mundo. Tayong lahat ay posibleng dumanas din ng ganitong kalamidad. Ang leksiyon na natutunan sa kanila ay ang kalamidad ay nagiging trahedya lamang kung ating papayagan. Dahil sa kanila nababawasan ang takot na harapin ang pagsubok. Ngayon naunawaan ko na ang tunay na diwa ng pagiging samurai!
- Latest
- Trending