Renta, Tangay, Tubos

(Huling Bahagi)

SA desisyon ni inquest prosecutor Nereo Dela Cruz ng Mabalacat, Pampanga regional Trial Court, wala umanong basehan ang sumbong ng biktima sa suspek ng rent-tangay na si Crispin Cadiang.

Kaya nang isagawa ng Highway Patrol Group ang inquest procedure sa Mabalacat RTC, agad pinakawa-   lan ng fiscal ang suspek.

Ayon sa HPG arresting officer na nakasama ng BITAG nang isagawa ang entrapment operation laban sa suspek na isang dating pari, ni hindi man lamang daw sila kinausap ni Fiscal Dela Cruz.

Hindi naman daw sila tinanong kung sino ang nagre-reklamo at hindi rin inalam kung ano ang reklamo. Mga bagay na ginagawa sa isang normal at regular na inquest procedure.

Bukod sa reklamong pagpapatubos sa biktima ng kanyang sariling sasakyan, hawak din ng HPG ang warrant of arrest nang parehong reklamo subalit ibang biktima.

Kaya’t imbes na naghihimas ng malalamig na bakal ang suspek, malaya na naman itong gumagala-gala at posibleng makadagit pang muli ng kanyang magiging biktima.

Kaya naman, panawagan ni HPG Director Leonardo Espina, sana’y ginawa ni fiscal Dela Cruz ang kaniyang trabaho.

Kasalukuyang laya ang suspek at maghihintay na lamang ang BITAG sa susunod na biktima ni Cadiang.

Kaya naman malalakas ang loob ng mga sindikato ng karnaping at rent-tangay na gawing palaruan ang region 3 lalo na ang Pampanga dahil sa mga sistemang katulad ng kay Fiscal Dela Cruz.

Ayon nga sa asset na si Allan, wala silang magiging problema. Mahuli man, tuloy pa rin ang ligaya dahil sa piskalya pa lamang, lusot na lusot na.

Hindi rito natatapos ang imbestigasyon ng BITAG, sisiguraduhin naming haharap si Fiscal Nereo Dela Cruz sa aming camera upang magpaliwanag at sagutin ang mga katanungan ng BITAG.

Show comments