EDITORYAL - Alalayan, OFWs sa Bahrain
HINDI pa natatapos ang pag-repatriate sa mga OFW sa Libya, ang mga OFW naman sa Bahrain ang nasa panganib dahil sa nangyayaring kaguluhan doon nang magdeklara ng martial law sa bansa. Lalo lamang nagkagulo nang magdeklara ng martial law sapagkat maraming lugar na ang sinasabing kontrolado ng mga rebeldeng Sunni. Humingi na ng tulong ang hari ng Bahrain sa Saudi Arabia at ibang Gulf countries upang mapigilan ang paglawak pa ng karahasan. Umano’y determinado ang mga rebelde na mapalayas sa trono ang ruling monarch.
Sa ganitong kaguluhan na walang ipinagkaiba sa nangyari sa Libya, ang naiipit ay ang mga OFW. Napakadelikado ng kanilang kalagayan na ang ilan umano ay hindi na lumalabas ng kanilang tirahan sa takot na maipit sa labanan ng rebelde at mga sundalo ng gobyerno. Umano’y pinapasok din ng mga rebelde ang mga bahay-bahay at ang makitang mapapakinabangan ay ninanakaw. Sinisira rin umano ang mga sasakyan. Dahil sa takot ng mga OFW, nananatili na lamang sila sa kanilang tirahan upang makaiwas. Merong gusto nang umuwi pero hindi naman makalabas. Sa isang report sa radio DZMM kamakalawa, may mga OFW na gusto nang makauwi ng Pilipinas pero wala silang magawa dahil wala silang pamasahe. Ang iba naman ay hawak daw ng kanilang employer ang passport. Sa radio report, may isang grupo ng mga OFW (pawang babae) na hindi makalabas ng kanilang tirahan dahil sa takot. Gusto na nilang makaalis sa Bahrain dahil lumulubha ang kaguluhan doon.
Ang pagsiklab ng kaguluhan sa Bahrain ay noon pa napabalita. Ibig sabihin, dapat mayroon nang nakahandang plano ang embahada ng Pilipinas sa Bahrain kung paano ililikas ang mga OFW sakali’t lumubha ang kaguluhan. Matutulad ba uli sa Egypt at Libya ang nangyari sa mga OFW sa Bahrain? Dadanasin din ba ng OFWs doon ang hirap na sinapit ng mga OFW sa Libya at Egypt?
Meron nang leksiyon sa nangyari sa dalawang bansa at hindi na dapat pang maulit. Alalayan ang mga OFW sa Bahrain. Huwag ibalewala ang mga nangyayari ngayon sa nasabing bansa.
- Latest
- Trending