HAPPY 25TH anniversary sa Pilipino Star NGAYON.
* * *
INIHARAP sa media noong Miyerkules ni Manila Mayor Alfredo Lim ang umano’y limang dorobong pulis ng Manila Police District- Station 5. Gigil na gigil si Mayor Lim sa limang pulis matapos na maglagatukan ang mga ngipin nito habang tinatanong kung nasaan ang nawawalang pera na nagkakahalaga ng P10.6 milyon. Dating pulis si Lim kaya kabisado niya ang galugad ng bituka ng mga kapulisan sa MPD. Subalit walang tumuga sa mga pulis kung ibinulsa nga nila ito. Todo tanggi ang mga ito at pinasinungalingan na gawa-gawa lamang umano ng mga suspek ang akusasyon laban sa kanilang grupo upang makaligtas sa mabigat na kaparusahan.
Kung sabagay hindi pa naman talaga napatunayan na isinubi nila ang naturang halaga dahil walang makapagpatunay na naibulsa at naitabi na nila ang datung. At habang tinatanong sila kung bakit sila nagtago, ang tugon nila ay nag-follow-up umano sila sa iba pang suspek, subalit ang masakit kahit na halungkatin ang blotter sa Station 5 malinaw na walang nakatala roon sa kanilang alegasyon. Sayang ang mga pulis na sina Senior Insp. Peter Nerviza, SPO4 Ernesto Peralta, PO3 Jefferson Britanico, PO3 Mike Ongpauco at PO1 Rommel Ocampo, pawang taga-Anti-Crime Unit ng MPD-Station 5. Sa halip na papuri, poot ang ibinato sa kanila.
Tinuruan kaya sila ng tamang protocol ng Philippine National Police na dapat nilang maging batayan sa pagsagawa ng kanilang pang-araw-araw na trabaho. Malaking karangalan sana para sa MPD dahil bukod sa nailigtas na walang galos ang kidnap victim na Malaysian national na si Eric Sim Chin Tong, nabawi pa ang ransom money sa napakamabilis na panahon. Ang ma- sakit, nang ilantad ang pera sa harap nina Ma yor Lim, NCRPO chief Dir. Nicanor Bartolome at MPD director Chief Supt. Roberto Rongavilla at kidnap victim ay kulang na. Kaya ang paghanga ni Lim at police officials ay napawi at napalitan ng poot. Paano nga naman, mas malaki pa ang nawala kaysa nabawi. Sabi ni Lim, “Nalusaw ang pera. Wala namang tsunami dito eh naanod ang pera.”
Dinala ang lima sa General Assignment Section ng MPD upang kunan ng salaysay sa pag kawala ng datung at sa pagtakas nila. Ngunit ma kalipas lamang ang ilang oras, nakangiting kabayo na sila dahil nang gabi ring iyon, nakalaya na sila matapos ang “hokus-pokus” na usapan sa pagitan ng mga opisyales ng GAS. Abangan!