ITINATAG ang Pilipino Star NGAYON (dating Ang Pilipino Ngayon) 20 araw makalipas ang People Power revolution na naging dahilan para mapalayas sa panunungkulan si President Marcos. Uhaw na uhaw sa babasahin ang mga Pilipino na 20 taon ding ipinagkait ng dating diktador. Kaya naging mabunga ang pagkakatatag ng pahayagang ito na hindi nagbago sa sinumpaang tungkulin na maglilingkod sa mamamayan. Mula 1986 hanggang ngayon, patuloy naging mata at taynga ng mamamayan ang Pilipino Star NGAYON.
Nang magsimula ang Pilipino Star NGAYON, si President Corazon Aquino ang pinuno at sino ang makapagsasabi na pagkalipas ng 25 taon ang kanya palang anak na si Noynoy Aquino ang magiging presidente. Walang mag-aakala na pagkalipas ng 25 taon ay may isa pa palang Aquino na irereport ng pahayagang ito. Mayroon pa palang karugtong ang nasimulan noong 1986.
Kung si Cory at ang tatlo pang presidente (FVR, GMA at Erap) ay maigting na sinubaybayan ng pahayagang ito at inireport sa mamamayan ang kanilang mga tagumpay at kabiguan sa pamumuno, ganito rin ang gagawin ng Pilipino Star NGAYON kay Noynoy. Lahat nang mga galaw ni Noynoy kaugnay sa mga ipinangako niyang pagbabago sa bansa, paglupig sa mga tiwali at pagtahak sa sinasabing “tuwid na daan” ay ihahatid sa kaalaman ng mamamayan. Hindi malilimutan ang pagsisimula ng panunungkulan ni Noynoy sapagkat eksaktong nangyari sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Pilipino Star NGAYON.
Magpapatuloy ang pahayagang ito sa pagbibigay nang maiinit at patas na balita, matatapang, maaanghang at balanseng opinion at mga hitik na kaalaman at impormasyon na magagamit ng mambabasa sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Hindi magbabago ang Pilipino Star NGAYON. Lalo pang paghuhusayin ang paglilingkod sa mamamayan. Hindi sisira sa pangakong magiging mata at taynga ng sambayanan. Nagpapasalamat ang pahayagang ito sa mga mambabasa at advertisers na patuloy na naniniwala at magtitiwala pa. Kasama namin kayo sa lalo pang malalaking tagumpay sa hinaharap.