Civil society may papel sa pagpapaunlad ng bansa
KAPAG narinig natin ang salitang Civil Society, ang unang pumapasok sa isip ay protesta sa mga lansangan laban sa katiwalian ng mga leader ng bansa lalu na ng Presidente. Dapat nang mabura ang impresyong ito.
Dinidinig na ng committee on people’s participation ng Mababang Kapulungan ang isang mahalagang bill para makalahok ang mga civil society groups sa pagbuo ng mga local development plans. Ang konsepto ay palahukin ang mga civil society group sa pagbalangkas ng mga programa sa pagpapaunlad ng mga local na komunidad sa bansa.
Ito ang inihayag ng chairman ng komite na si Manila Rep. Atong Asilo. Maganda ito dahil may direktang partisipasyon ang taumbayan sa pagpapasya at pagbuo ng mga proyekto sa halip na mga local na opisyal lamang.
Kamakailan lang ay isang public hearing ang idinaos sa General Santos City upang pulsuhan ang mamama-yan doon kaugnay ng panukalang batas. Ang dinidinig na bill na ito ay akda ni San Juan Rep. JV Ejercito at nagtatadhana ng mandatory participation ng mga civil society groups sa preparasyon ng mga development plans sa lahat ng antas ng pamahalaan.
Kapag naging batas, parurusahan ang sino mang opisyal o kawani ng pamahalaan na hindi tatalima rito. Bukod sa kasong administratibo, puwede rin silang kasuhang kriminal. Kumpiyansa naman si Ejercito na papasa ang kanyang panukalang batas dahil sa malakas na suporta ng mga civil society group sa rehiyon ng Mindanao.
Imbes na maging magkaaway ang mga grupong ito at pamahalaan, mas maganda nga naman na sila’y nagtutulungan. Tinatayang nasa 100 ang bilang ng mga accre-dited civil society groups ang lumahok sa public hearing.
Sa personal kong pananaw, dapat maipasa at mapagtibay ang panukalang batas na ito para maging mas makabuluhan ang demokrasya sa ating bansa.
- Latest
- Trending