KADALASAN ang magandang trabaho ay nauunsiyami dahil sa personal na interes at bulok na sistema. Iyan ang unang napansin ng mga kababayan nating sumusubaybay sa gawain ng mga pulis. Katulad na lamang sa matalinhagang pagkawala ng P12.1 miyong “ransom money” ng Malaysian businessman na si Eric Sim Chin Tong noong Marso 7 sa mga pulis ng Manila Police District- Ermita Police Station 5. Napakagandang accomplishment sana ito dahil bukod sa buhay na nailigtas si Tong ay na-recover pa ang ransom money. Subalit ang paghanga ng sambayanan ay naglahong parang bula. Paano maniniwala ang taumbayan na tanging P4.3 milyon lamang ang na-recover ng mga pulis ni Supt. Felipe Cason gayung tumuga ang mga suspek na kinuha lahat ng pulis sa kanila ang pera.
Nakakahiyang sabihin na, nasilaw sa pera ang kapulisan ni Cason kung kaya hindi nila ginawa ang tamang protocol sa operasyon. Hindi man lang gumawa ng imbentaryo ang mga tauhan ni Cason sa mga narekober nilang pera sa mga suspek upang magamit na ebidensiya sa korte. Kulang talaga ang kaalaman ng mga pulis o sadyang pinag-interesan talaga ang pera ng Malaysian businessman. Ang masakit pilit nilang itinatago ito sa kaalaman ng media. Ngunit ngayon na hinahanap na ng negosyante ang kanyang pinakawalang pera na kapalit ng kanyang kalayaan ay kapiranggot na lamang ang inilutang ng mga pulis ni Cason. Kaya buo na sa isipan ng sambayanan na pinag-interesan talaga nila ang pera.
Subalit hanggang saan nila maitatago ang kabulas-tugan, dahil umuusok ang ilong ni Manila mayor Alfredo Lim sa galit dahil sa pagkapahiya sa mga Malaysian. Inatasan nito si MPD director Chief Supt Roberto Rongavilla na hanapin ang limang pulis na sina Sr. Insp. Peter Nerviza, hepe ng Anti-Criminal Unit ng Ermita, Police Station, mga tauhan na sina SPO4 Ernesto Peralta, PO3 Mike Ongpauco, PO3 Jefferson Britanico at PO1 Rommel Ocampo.
Maraming pulis ng MPD ang nahihiya sa kabuktutang ginawa ng kapwa pulis nila. Dapat daw lumutang ang mga ito at harapin ang imbestigasyon upang mapatunayan na ang P4.3 milyon ay lihitimong narekober nila sa mga suspek. Payo ko sa limang dorobo, sumuko na kayo kay ODDO Sr. Supt. Fidel Posadas upang linawin ang akusasyon sa inyo. Kung patuloy kayong magtatago tiyak na may kalalagyan kayo sa bandang huli. Abangan!