Nakilala ako ng mga Pinoy dito sa US na kolumnista ng Pilipino Star NGAYON kaya inulan ako nang maraming tanong tungkol sa nabalitang pagdating ng malalakas na earthquakes at tsunami sa ating bansa. Lubhang nabahala ang mga Pil-Ams sa maaaring mangyari sa kanilang mga mahal sa buhay dahil hindi raw malayong mangyari sa Pilipinas ang katulad ng naganap sa Japan.
Paulit-ulit na ipinakita sa lahat ng TV networks dito sa Amerika ang nangyari sa Northeastern Japan kung saan nagiba at inanod ang mga malalaking buildings, bahay, mga sasakyan.
Mabuti naman at nakapag-interview na ako sa pamamagitan ng telepono at e-mails sa ilang may kinalaman sa mga earthquakes at tsunami na nasa Pilipinas. Kaya, naibalita ko naman sa mga nagtanong na mga Pil-Ams ang nakuha kong mga balita. Binanggit sa akin na nakiki-pagtulungan na ang Bureau of Fire Protection Agency sa National Disaster Center, DILG, PAGASA at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Ang pinagtutuunan nila ng walang tigil na pansin ay ang pagbibigay ng earthquake and fire drills at mga dapat gawin kapag nagkaroon ng tsunami.
Naging busy na rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sapagkat iniimbestigahan nila ang mga buildings at ibang structures kung ligtas ang mga ito kapag dumating ang malakas na lindol. Kasi ang Japan International Cooperation Agency ay nagsagawa ng pag-aaral at ayon sa napag-alaman nila ang karamihan daw ng buildings sa Metro Manila ay maaaring gumuho kaagad kapag dumating na ang 7.2 magnitude. Inaaprubahan na lamang ang construction plans ng mga ahensiya ng gobyerno kahit mali-mali dahil may lagay naman para makuha ang construction permit.
May nagsabi sa akin na lalong grabe rin daw ang mga building ng gobyerno sapagkat hindi na lingid sa kaalaman ng marami na below quality at kulang-kulang pa raw ang mga ginamit na materyales sa construction ng mga ito na katulad sa paggawa ng mga kalye at projects ng gobyerno. Ginagawa ng contractor ito upang makatipid at sa ganuon ay malaki-laki ang ma ibubulsa nila at sa panlagay nila sa mga government officials at sa nagbigay ng construction contract sa contractor. Talagang dapat maisaayos na ang lahat ng mga nagkasala sapagkat baka dumating na ang pagtutuos ninyo at ng Mayka-pal. Huwag sanang mada-wit ang taumbayan.