Bawal magmina sa kagubatan
SA BANSA bukod tanging Palawan ang nakatuntong sa limestone, tulad ng timog Tsina kung saan mula ito tu-malsik sa matinding lindol milyong taon noon. Espesyal ang batas sa isla. May Palawan Council for Sustainable Development para pangalagaan ang gubat at dagat.
Pero sa halip na protektahan ng PCSD ang kalikasan, namigay ito kaliwa’t-kanan ng lisensiya magmina. Ni-rezone ang mga kagubatan para gawing minahan. Kinalbo ang puno, binutas ang lupa, dinumihan ang mga batis, ilog at dagat. Nagkasakit ang mga tao; bumagsak ang ani ng pananim. Hindi umunlad ang mga munisipyo kung nasaan ang mga minahan. Dahil dito nangangalap ngayon ng 10 milyong lagda para ipatigil ang pagmimina sa Palawan.
Ang ibang bahagi ng bansa ay sakop ng Dept. of Environment and Natural Resources. Tulad ng PCSD sa Palawan, tungkulin ng DENR bantayan ang kagubatan at karagatan. Pero tulad ng PCSD, bantay-salakay ito. Pinabayaan makalbo ng logging concessions, kaingin at minahan ang mga puno. Nu’ng 1900, 70% ng Pilipinas ang gubat; nu’ng 1950, 55% na lang; nu’ng 200, nakakikilabot na 3% na lang.
Nangyari ito dahil sa tuwirang paglabag ng DENR ng batas ng kagubatan. Nu’ng 1 Hulyo 1941, inutos ng Secretary of Agriculture and Commerce sa Bureau of Forestry ang Administrative Order 16-1. Sa Section 11 nilista ang mga bawal gawin sa loob ng gubat, kasama ang pagputol ng bungang-kahoy, at pag-iiwan ng nakasinding sigarilyo. Pinaka-matindi, ibinawal ang pagmimina sa forest reserves.
Sino ang mahusay na secretary na ito? Si Benig-no S. Aquino, tatay ni Ninoy at lolo ni Presidente Noynoy Aquino. Hindi pa binabago ang order. Sana ipatupad ito ni P-Noy, para sa kapa-kanan ng mamamayan.
* * *
Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
E-mail: jariusbondoc@workmail.com
- Latest
- Trending