Voltes V!
TINATAYANG 55,000 na mga kababayan natin ang nagsilikas sa mas ligtas na mga lugar nang idineklara ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang tsunami alert 2 sa may dalawampung lalawigan sa bansa na sinabing maapektuhan ng tsunami bunsod ng 8.9 magnititude na earthquake na tumama sa Japan noong Biyernes ng hapon.
Salamat naman sa Maykapal at nakauwi at nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan ang ating mga kababayan pagkatapos na binawi ng Phivolcs ang tsunami alert mga ilang oras pagkaraan ng 7:00 p.m. nang gabi noong Biyernes, ang oras na inasahang tatama ang tsunami sa ilang bahagi nga ng Pilipinas.
Bumalik na rin sa kanilang mga tahanan ngunit naging alerto pa rin ang ating mga kababayan lalo na ang mga nasa coastal areas na kaharap ng Pacific Ocean gaya ng mga lalawigan ng Davao Oriental, Davao del Sur, Surigao de Sur at Surigao del Norte dito sa Southeastern Mindanao.
Sa panayam ko sa mga local officials ng mga nasabing lalawigan, nalaman kong nai-ayos na nila ang implementation ng isang evacuation system at kung saan dadalhin ang mga tao kung sakaling may panibago na namang tsunami warning.
Kaya nga nang makita ko ang TV footage ng kalunus-lunos na sinapit ng mga biktima ng lindol at tsunami sa Japan noong Biyernes ng hapon, hindi ko rin maiwasang isipin na nasaan na si Voltes V? Naglalaro sa isip ko si Voltes V na ginamit ang kanyang dalawang kamay upang harangin ang rumaragasang pader ng tubig na umabot ng ilang talampakang papasok ng Miyage prefecture ng Japan.
Nasaan na nga ba si Voltes V?
Lumaki akong naniwalang ang powerful na Japan ay Voltes V at ang equally powerful na Voltes V at Japan ay iisa nga. Hindi mawawala sa isip ko ang sigaw ng “Let’s VOLT in!” sa tuwing tutugtugin ang Voltes V theme song. Ngunit nasaan si Voltes V sa panahong kailangan ito ng Japan.
Ayon sa Wikipedia, ang Voltes V ay isang seryeng anime na gawa ni Tadao Nagahama para sa telebisyon at unang lumabas sa TV Asahi noong Abril 6, 1977. Naisalin ito sa Ingles at naipalabas sa Pilipinas simula noong Hunyo 4, 1977 hanggang Marso 25, 1978. Pangalawang bahagi ito ng trilohiyang Robot Romance, at tinuturing na pagbibigay-buhay muli ng nakaraang serye, ang Choudenji Robo Combattler V.
Ito ang isa sa mga pinakatanyag na seryeng Hapon na super robot sa Pilipinas. Bagaman, nagkaroon ng intriga politikal at kontrobersiya pagkatapos ipagbawal ito ng dating Pangulong Marcos. Voltes V nang natalsik sa puwesto si Pangulong Marcos at muling sumikat ang serye noon 1990s.
Hinahanap ko si Voltes V sa gitna ng trahedya na nangyari sa Japan upang tayo ay muling matauhan at maisaisip at maisapuso nating muli na mas makapangyarihan ang Maykapal higit sa kanino man sa ating lahat. Kahit sino sa atin, mapapinakamayaman o pinakamatanyag na tao ay hindi kayang pantayan ang Kadakilaan ng Maykapal.
Minsan kasi naging masyado tayong abala sa makabagong teknolohiya at kung anong mga modernong gadgets na nakalimutan natin ang Diyos.
Ang masaklap ay kung kalian lang may mga trahedya gaya ng Japan quake at tsunami saka lang natin naalala ang Poong Maykapal.
- Latest
- Trending