Kaugnayan ng diabetes sa cancer sa uterus

Dr. Elicaño, magandang araw. Ako ay 50 taong gulang na. May asawa at dalawang anak. Diabetic po ako. Gusto ko lang pong malaman kung ang diabetic na katulad ko ay posibleng magkaroon ng cancer sa uterus. Meron po akong nabasa na may kaugnayan ang diabetes sa pagkakaroon ng cancer sa uterus. Ano po ang dahilan at nagkakaroon ng cancer sa uterus? Ano rin po ang mga sintomas nito? –Melba Soriano, San Pablo City, Laguna 

SINASABING ang paggamit ng estrogen ang dahilan ng pagkakaroon ng cancer sa uterus subalit wala pang sapat na pag-aaral dito. Sa tanong mo na kung ano ang kaugnayan ng diabetes sa pagkakaroon ng cancer sa uterus, batay sa pag-aaral ang mga babaing obese, diabetic, hypertensive at hindi pa nagkakaanak ay posibleng magkaroon ng cancer.

Karaniwang nagkakaroon ng cancer sa uterus ang mga kababaihang nasa pagitan ng 40 hanggang 70 anyos. Makikita ang cancer sa mucous lining at muscle tissues ng uterus.

Ang mga sintomas ng cancer sa uterus ay ang mga sumusunod: Pagkakaroon ng spotting sa pagitan ng menstrual period, pagdurugo pagkaraan ng pagtatalik, abnormal na regla at abdominal cramping o pananakit ng tiyan.

Kapag maagang natuklasan ang cancer sa uterus, maaagapan ang pagkalat ng cancer at malaki ang pag-asang gumaling. Ang treatment ay depende sa location at lawak ng cancer.

Ang treatment ay kinabibilangan ng pagtanggal sa uterus, fallopian tubes, ovaries at ang mga nakapaligid na kulani. Kapag nasa advanced stage na ang cancer, isinasagawa na ang radiation theraphy.

Show comments