MARAMING kababayan dito sa US ang natutuwa dahil sa mabilis ang pangyayari sa House of Representatives partikular ang Committee of Justice para maisampa ang impeachment complaint kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Marami ang pumabor na ma-impeach si Gutierrez. Sabi naman ni Gutierez, marami sa mga miyembro ng committee ang may kaso sa Ombudsman kaya nais ng mga ito na ma-impeach siya. Aaprubahan ng plenarya ang impeachment complaint at iaakyat ito sa Senado para pagtibayin ang impeachment complaint kay Gutierrez.
Masyadong kontrobersiyal si Gutierrez. Maraming duda sa kanyang pamumuno. Ang papel ng Ombudsman ay tagabantay ng mga kawatan sa gobyerno. Sila ang tanod ng bayan pero sa aking palagay, hindi ganito ang nangyari. Halatang-halata ang pagtatakip kay dating President Gloria Macapagal Arroyo at FG Miguel Arroyo. Nalaman ko na kaklase pala ni Gutierrez sa Ateneo Law School si FG.
Maraming tanong: May nangyari ba sa Fertilizer Scam at NBN/ZTE deal na sabit ang mga Arroyo, dating Comelec chairman Ben Abalos at iba pang opisyal ng gobyerno? Sa halip na habulin ng Ombudsman ang mga nabanggit, ang mga whistle blower na sina Jun Lozada at De Venecia Jr. ang binalingan. Halatang may kinikilingan ang Ombudsman.
Lalo pang lumabas ang baho nang lumabas ang plea bargain agreement sa pagitan ng gobyerno at ni da-ting AFP comptroller Carlos Garcia. Ang agreement ay lamang na lamang kay Garcia at malaki ang pagkalugi sa gobyerno. Nakapagtataka kung bakit pumayag ang Ombudsman? May kumita sa transaksiyon?
Marami pa akong tanong pero saka na lang, tutal naman ay natitiyak kong sasalang na rin sa mainit na upuan si Gutierrez. Dahil ayaw niyang magbitiw, malamang na matuloy talaga ang pag-impeach sa kanya. Dito makikita kung talagang gumagalaw ang batas sa Pilipinas.