Hinirang bilang bagong CEO
TUMATANDA na ang may-ari ng pabrika; panahon nang humirang ng kapalit na magpapatakbo ng negosyo. Imbis na piliin ang isa sa mga anak, pinatawag niya lahat ng executives. Aniya, “Magbibitiw na ako, isa sa inyo ang magiging bagong chief executive officer.” Nabigla lahat, pero nagpatuloy ang boss, “Bibigyan ko bawat isa ng espesyal na buto. Ipunla ninyo ito, diligan araw-araw, at ibalik sa akin ang tumubo makalipas ang isang taon. Huhusgahan ko ang mga bunga, at mula ru’n ako hihirang ng bagong CEO.”
Tulad ng lahat ng executives, tumanggap si Jim ng isang buto, at pag-uwi ay ikinuwento agad sa asawa ang habilin ng boss. Nagtulong sila kumuha ng paso, lupa at compost, at ipinunla ang buto. Araw-araw dinidiligan ni Jim ang itinanim, at inaabangan kung ano ang tutubo.
Makalipas ang tatlong linggo, ibinibida na ng ibang executives ang tungkol sa pagsibol ng kanilang mga buto. Tinitingnan ni Jim palagi ang kanyang paso. Apat, lima, anim na buwan ang lumipas. Wala pa rin umuusbong. Lahat ng ibang executives ay may magagandang kuwento tungkol sa kanilang mga halaman. Si Jim lang ang walang usbong; pakiramdam niya’y wala siyang silbi.
Dumating ang isang taon. Lahat ng executives dinala ang kanilang puno at bulaklaking halaman. Tila lalagnatin si Jim sa kahihiyan, at ayaw na niyang pumasok sa opisina. Pero kinumbinsi siya ng asawa na dalhin ang paso na walang halaman.
Dumating ang may-ari ng pabrika. Excited siyang inspeksiyunin lahat ng halaman. Nang makitang walang usbong ang paso ni Jim, hinila niya ito sa harap. Nanliliit si Jim, gusto na niyang magunaw sa kahihiyan. Nabigla ang lahat sa inanunsiyo ng amo: “Si Jim ang bagong CEO ng ating kumpanya. Siya kasi ay tapat. Ang ipinamigay ko sa inyo ay mga pinakuluan kaya patay na buto. Hindi niya ito pinalitan.”
Magtanim ng katapatan, at aani ng tiwala.
- Latest
- Trending