Hataw kay Popoy latay kay Margie
NAGSANIB daw ng puwersa ang mga illegal gambling lords upang gibain si Philip “Popoy” Juico. Inaakusahan si Popoy ng influence peddling at panghihimasok sa pagpapatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na pinamumunuan ng kanyang asawang si Margie Juico.
Pruweba ito na tumatalab ang mga kampanya ng PCSO upang pahinain ang mga illegal gambling tulad ng jueteng, masiao, last two, illegal bookies at marami pang iba. Eh bakit si Philip ang bibirahin at hindi si Margie? Kasi babae si Margie. Kapag inupakan, lalabas silang kontra-bida.
Personal kong kilala ang mag-asawang Juico at tiyak kong wala sa character nila ang tulad ng ipinaparatang sa kanila ng mga nasasagasaan nila. Si Popoy ay dating Agrarian Reform Secretary at ngayo’y bantog na sportsman at manunulat. Isa rin dating street parliamentarian si Popoy na nakipaglaban sa mga katiwalian sa pamahalaan noong araw ng diktadurya.
Palibhasa’y napalakas ng PCSO ang legal na Small Town Lottery at umaaray na sa sakit ang mga illegal gambling lords. Dahil dito, limpak-limpak na milyones ang pinakawalan ng mga ito para maglunsad ng demolition campaign laban kay Popoy na ang tunay na pinupuntirya naman ay si Margie. Tahasan namang sumusuporta sa mag-asawang Juico ang mga anti-illegal gambling group.
Noong nakaraang taon, magugunita na masusing siniyasat ng Kongreso ang paglaganap muli ng jueteng. Kaya iniutos ni P-Noy ang paglulunsad ng malakas na kampanya para sugpuin ang lahat ng illegal gambling at pinamonitor maigi ang STL para huwag magamit na front ng illegal gambling. Napatunayan naman ni Margie na epektibo ang kanyang pamamahala sa PCSO particular sa STL na lalung nagpa- sok ng malaking revenue sa kaban ng bayan.
At tila walang kahina-hinala ang retiradong Obispo na kritiko ng illegal gambling na siya’y nagagamit ng grupo ng illegal gam- bling lords para mapigil ang renewal ng mga permiso at lisensya sa operasyon ng STL.
- Latest
- Trending