No mercy to Merci
ITO ang usap-usapan sa Manila Police District matapos mapabalitang hindi na sisiputin ni Ombudsman chief Merceditas “Merci” Gutierrez ang House of Representatives tungkol sa napipintong impeachment.
Hindi pa kasi nabubura sa isipan ng mga taga-MPD ang sinapit ni dating Chief Insp. Rolando Mendoza na pumatay ng 8 Hong Kong nationals noong August 23, 2010, matapos na hindi pagbigyan ang apela nito sa Ombudsman. Lumalabas na nag-ugat ang pagkaburyong ni Mendoza ng hingan umano ng P150,000 ng isa sa mga alipores ni Merci kapalit ng pagrebisa sa pagkadismis nito sa serbisyo.
Sa halip na personal na sugutin ang mga tanong ng mga kongresista ay ang abogado lamang nito ang pinasisipot at magdala ng kanyang 50 pages na kasagutan. Talagang matigas pala itong si Merci dahil hanggang sa ngayon ay nasa isipan pa rin niya na appointee siya ni dating President Arroyo na hindi basta-bastang mabubunot sa puwesto hanggat hindi napapatunayan ang kanyang mga simplang.
Labis tuloy ang panggagalaiti ng ilang kababayan dahil ang Ombudsman ang ahensya na dapat na duminig sa reklamo ng sambayanan laban sa mga abusadong kawani ng pamahalaan. Subalit lumalabas na kanlungan ito ng mga kawatan.
Ang masakit ang taumbayan ang nagpapasahod sa kanila, kaya masakit sa sinumang taxpayer na mabalitaang kasabwat ang Ombudsman sa pagkanlong sa mga opisyales ng pamahalaan na patuloy sa paglustay at pagnakaw sa kaban ng bayan. At lalong masakit sa pangkaraniwang mamamayan nang sambitin ni Merci na “Bakit ako sisipot sa moro-morong hearing?”
Ang gigisa umano sa kanya ay may mga sabit din sa kanyang tanggapan. Katulad na lamang sa chairman on justice ng House na si Iloilo Representative Niel Tupas Jr. na sangkot din sa anomalya sa kanilang lalawigan. Kasalukuyan umano dinidinig ang kaso ng ama ni Niel na si dating Iloilo Governor Niel Tupas Sr sa maanomalyang paglustay ng pera ng lalawigan.
Kung patuloy na magtatago si Merci sa palda ni Ate Glo lalong iinit ang mga alipores ni P-Noy sa kanya. Ang mabuting gawin ni Merci ay harapin ang mga akusasyon. Higit na mauunawaan ng sambayanan ang kanyang pagpapaliwanag sa harap ng mga tongresista este kongresista.
- Latest
- Trending