BILIB ako sa mga kababayan natin dito sa Amerika sapagkat kahit na dumadanas din sila ng paghihirap sa kabuhayan dahil bagsak ang ekonomiya ay naiisip pa rin nila ang kalagayan ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas. Alam kasi ng Pil-Ams na mas grabe ang dinadanas ngayon ng mga nasa Pilipinas lalo na at hindi na nakatatanggap ang mga ito ng tulong na dati-rati ay nanggagaling sa mga kamag-anak nila sa Amerika dahil sa hirap na rin ang mga naririto.
Usap-usapan dito na patuloy pang tataas ang presyo ng gasolina at mga bilihin hangga’t hindi nareresolba ang kaguluhan sa Libya.
Maraming OFW na ang nagsilikas sa Libya upang makaligtas sa panganib. Ang problema ay bigla silang nawalan ng kikitain. Hindi naman kakayahin ng gobyerno na pakainin ang mga ito at ang kani-kanilang mga mahal sa buhay. Pinakamalaking problema ay walang maibibigay na trabaho ang gobyerno sa mga ito. Ang magagawa na lamang ng gobyerno ay ihanap na naman sila ng matatrabaho sa ibang lugar na nangangailangan ng mga manggagawa. Ito ang binubuno ngayon ng DOLE at POEA. Kaya lang ay hindi magiging mabilis dahil sa dami nila.
Ito ngayon ang problema na kailangang bigyan ng atensiyon ni President Noynoy. Dapat niyang asikasuhin kaagad ito upang maiangat ang ating bansa sa paghihirap. Kapag natupad niya, makikita na natin ang sinasabi niyang tuwid na landas.