KAMI ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay bumabati sa bagong graduates ng Philippine Military Academy (PMA). Pagkatapos ng kanilang masigasig na pag-aaral at pagsasanay ay tuluyan na ngang tumanggap ng kanilang diploma ang 196 na kadete ng “PMA Laon-Alab Class 2011” sa Borromeo Field, Fort Del Pilar, Baguio City noong Linggo.
Espesyal na papuri ang iginawad sa “Top 10” ng klase na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na binubuo nina: Cadet 1st Class Angelo Edward Paras (Pampanga); Cdt 1st Class John Regor Guiang (Zamboanga Del Norte); Cdt 1st Class Jason Cortez Luna (Cagayan); Cdt 1st Class Aljay Cabrega Diño (Cavite); Cdt 1st Class Regor Narag Pamittan (Tuguegarao City); Cdt 1st Class Janice Baniaga Matbagan (Baguio City); Cdt 1st Class Bobby Gabayno (Cainta. Rizal); Cdt 1st Class Ramon Christopher Ganab Ingay (Cagayan); Cdt 1st Class Norman Avila Carual (Albay); at Cdt 1st Class Jason Fabros Pariñas (Nueva Ecija).
Mataas ang ekspektasyon sa 2011 PMA graduates, laluna sa pagbangon ng imahe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga kontrobersyang bumalot dito kaugnay sa maanomalyang “pabaon at pasalubong” sa mga AFP chief of staff.
Kami ni Jinggoy ay naniniwalang mayorya ng mga opisyal at kasapi ng AFP ay tapat na nagsisilbi sa bayan. Nakalulungkot nga lang na may ilang umaabuso sa kanilang posisyon, kaya’t kailangang mabunyag at maparusahan ang mga ito. Dapat ding maitama ang mga polisiya, sistema at patakaran sa AFP na nagagamit sa paggawa ng katiwalian.
Sa pamamagitan ng mga pagdinig ng mga mambabatas hinggil sa mga isyu sa AFP ay inaasahang malilinis muli ang nadungisang imahe ng kasundaluhan, at lalo pa nilang magagampanan ang kanilang tungkulin para sa sambayanang Pilipino.
Sana ay tumugon ang bagong graduates ng PMA sa hamon sa kanilang hanay.