^

PSN Opinyon

'Sa-Pakman'

- Tony Calvento -

ISANG suntok sa kanang panga tulog agad ang isang 36 anyos na lalake. Ganyan kalakas ang kamao nitong 21 taong gulang na binata.

Siya si Reynold Dionido mas kilala sa tawag na “Ren”. Kasama niya ang inang si Florentina “Bing” Toralba nang mag­sadya sa aming tanggapan upang ihingi ng tulong sa pag­kakasangkot nitong si Ren sa isang gulo na nauwi sa masampahan siya ng kasong ‘Frustrated Murder’.

“Imposibleng mangyari yan… Hindi naman ako si su­perman na isang suntok lang nakakabasag na ng bungo!” paliwanag ni Ren.

Pagtatanggol sa barkada ang tinuturong dahilan ni Ren kung bakit siya ang dinidiin ngayon ng kanyang kapitbahay na si Sergio Unite, dating security guard sa Maricaban, Pasay City.’            

Miyembro ng ‘dance troop’ at mga ‘rappers’ itong si Ren. Ami­nado naman siyang sa sobrang pagbabarkada maging pag-aaral niya nakaligtaan na niya.

Umiikot ang buhay ng binata sa mga katropa nito. Hanggang nitong ika-28 ng Nobyembre 2010 isang insidente ang dadawit kay Ren.

Bandang alas 5:00 ng hapon, habang nag-iinuman si Ren at kasamang sina ‘Oying’, ‘Rowell’, at ‘Anthony. Binyag ng anak ng kanilang kaibigang si ‘Jason’ nun. Inutusan nilang bumili ng yelo si Oying sa kalapit na tindahan.

Pagdating ni Oying, padabog nitong binaba ang yelo sabay sum­bong sa kanila, “Ayang si Sergio… pinaparinggan na naman ako! Hinahamon pa ’ko! Lalabasan ko na yan pare, papatulan ko na yan!”.

Ayon kay Ren, si Sergio ang masugid na manliligaw ng dise otso anyos na itatago namin sa pangalang “Carmy” na girlfriend nitong si Oying. Kwento ng kaibigan sa kanila, habang bumibili daw siya ng yelo panay parinig umano ni Sergio.

“Sa akin din mapupunta yang si Carmy. Tambay ka lang kasi. Hindi siya mabubuhay,” umano’y pasaring ni Sergio kay Oying.

Sinabihan ni Oying si Sergio, “Tigilan mo ang paninira sa amin ni Carmy ah! Wag kang makialam”.

“Kung talagang matapang ka…suntukan tayo. Malakas lang naman loob mo dahil nandyan mga barkada mo! Baka hindi mo alam magaling ako sa ‘martial arts’ ” paghahamon umano ni Sergio.

Nagsumbong si Oying sa mga kaibigan. Nilabas niya si Sergio at sumunod naman agad si Oying. Nagtagpo sila sa poso.

Bago pa sila magsuntukan, inawat agad si Ren. Habang nag­kakaawatan mas naghamon umano si Sergio, “Oh! Asan na mga tropa mo? Bakit hindi kayo sumugod dito?”.

Lumapit si Ren hindi umano para sapakin itong mama kundi para awatin daw siya. Inakala ni Sergio na tutuluyan siya nitong si Ren. Napaatras umano siya at nadulas sa posohan. Dahil lasing nawalan ng balanse, natumba’t tumama ang ulo sa ‘gutter’. Agad siyang nawalan ng malay. 

Mabilis na sinugod sa Ospital ng Maynila si Sergio. Na­nakbo naman palayo si Ren at mga kasama.

Naging usap-usapan ang nangyaring insidente. Ang ma­sama, si Ren ang tinuturong salarin ng pagkakabagok ni Sergio. Sinuntok umano niya ito.

Maraming death threats umano na nakarating kay Ren. Gagan­tihan daw siya ng mga tropa’t kamag-anak nitong si Sergio. Nagtago si Ren dahil sa sobrang takot.

Isang linggo naman na-confine sa ospital itong si Sergio. Masama kasi ang pagkabagok ng ulo niya sa semento na nag­resulta ng pamumuo ng dugo sa ulo nito.

Kumuha kami ng kopya ng sinumpaang salaysay ni Sergio. Ang nilalaman nito ay ang mga sumusunod na pahayag.

Nobyembre 28, 2010 alas 11 ng umaga… dumating ang aking matalik na kaibigan na alyas Hapon, ang ama ng aking nililigawan. Sinundo niya ako dahil meron kaming pag-uusapan. Pagdating sa kanilang bahay inalok niya ako ng isang beer. Napag-alaman ko na ang kanyang isang anak ay may pangangailangan sa kani­lang project sa school, isang magazine lang pala ang kailangan. Maraming magazine sa bahay, kumuha ako ng isa… Habang ako ay nasa labas ng kanilang bahay at nakatayo ay may biglang sumuntok sa akin ng malakas na anupa’t ako’y natumba at tumama ang aking ulo sa semento (sementong gutter ng kalsada) bugbog sarado po ako, may bukol ang aking ulo, may black-eye ang dalawang mata ko, namamaga ang mga ito at hindi ko maidilat.

Sa pagkawalang malay, dinala nila ako sa ospital ng May­nila at dito ako ginamot. Ang isang masaklap na nang­yari ay nagkaroon ako ng brain-hemorrhage na siyang grabeng nagpahirap sa akin. Inopera ako sa ulo para maalis ang dugo sa loob nito. Hanggang ngayon ay nagdaranas ako ng hirap dahil sa pangyayaring ito.

Ayon sa nakasaksi at sa mga nakalap naming impor­masyon, si Reynaldo Dionido (alyas Ren-Ren) ang siyang sumuntok sa akin at gumulpi, may mga kasama pa raw ito. Isa po sa may kinalaman dito ay si Oying Marzan. Siya po ang karibal ko sa nililigawan kong anak ni Hapon.

Kaugnay ng pangyayaring ito, nag-file ng kasong frustrated murder ang ina ni Sergio na si Narcisa sa Prosecutor’s Of­fice, Pasay.

Sa ngayon dinidinig na ang kasong inihabla kay Ren. Gustong malaman ni Ren ang legal na hakbang na maaari nilang gawin kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Ren.

Bilang agarang tulong, inireper namin si Ren sa president ng UE Law Alumni kay Atty. Alice Vidal, ang head ng Bar Discipline ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) para asistehan siya sa kaniyang kontra salaysay.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi masamang makipag­kaibigan kung ikabubuti ito. Nakakalungkot isipin na may iilan sa ating mga kabataang mas nasesentro ang buhay sa pakikipagbarkada sa halip na mag-aral. Kadalasan pa sa kanila, nadadamay sa gulo dahil sa away-barkada.             

Sa salaysay naman nitong si Sergio, sinabi niyang nalaman niya lang kung sinong sumuntok dahil sa umano’y mga saksi. Malinaw na hindi niya naaktuhan si Ren kung totoo ngang sinuntok siya nito.

Ang sinasabi nilang umano’y ‘nadulas’ itong si Sergio ay maa­aring tingnan ng taga-usig na depensa na dapat mapatunayan sa isang malawakang paglilitis. Sa isang ‘preliminary investigation’, probable cause lamang ang hinahanap.(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog, ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maaari rin kayong magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

 

* * *

Email address: [email protected]

AKO

OYING

REN

SERGIO

SHY

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with