Ombudsman pabaya sa pag-iimbestiga

GIIT ni Ombudsman Merceditas Gutierrez, ni minsa’y hindi siya naging pabaya sa tungkuling mag-imbestiga at maghabla ng tiwaling opisyales. Pero taliwas ito sa totoong record.

Kundi pabaya si Gutierrez, bakit sina Romy Neri at Ben Abalos lang ang inihabla sa $329-milyong ZTE scam? Lusot ang pumirma at nag-witness sa kontrata, Leandro Mendoza at Gloria Arroyo. Lusot din ang deal brokers na Mike Arroyo, Ruben Reyes, Leo San Miguel, Gen. Quirino dela Torre, at Jimmy Paz ng “Greedy Group ++”.

Kundi pabaya si Gutierrez, bakit hinayaan ang ilegal na pagbigay ni dating trade secretary Peter Favila sa ZTE ng lisensiyang magmina sa Diwalwal? Awtorisado si Favila ni Arroyo na gawin ang krimen, at witness sa kontrata si presidential chief of staff Mike Defensor.

Kundi pabaya si Gutierrez, bakit hanggang ngayo’y walang kaso sina dating agriculture undersecretary   Jocjoc Bolante at taga-pondong Arroyo sa P728-milyong fertilizer scam ng 2004?

Kundi pabaya si Gutierrez, bakit niya kinanlong sina Mike at Mikey Arroyo sa Jueteng-gate? Ito’y sa kabila ng maraming testigo na sila ang protektor ng gambling lords.

Kundi pabaya si Gutierrez, bakit wala siyang hinabla sa NAIA-3 scam? Dalawang international agencies ang nagsabing nilabag ng Piatco-Fraport ang anti-dummying laws ng Pilipinas.

Kundi pabaya si Gutierrez, bakit wala siyang pina-nagot sa P1.3-bilyong MegaPacific scam? Tatlong sa-     ngay ng gobyerno— Department of Justice, Senado, at Korte Suprema, ang nagpasya na maanomalya ito.

Kundi pabaya si Gutierrez, bakit siya pumayag sa plea bargain ni plunderer Gen. Carlos Garcia, matapos “ilaglag” ng special prosecutors niya ang kaso? Kundi pabaya si Gutierrez, bakit pinabayaan niya ang pape-les na ibinigay ng Anti-Money Laundering Council tungkol sa P740-milyong depositong pesos at dolyares ni Gen. Jacinto Ligot?

Show comments