DIKTADOR mang naturingan si yumaong ex-President Marcos, may programa siya na aking hinahangaan: Green Revolution.
Nahikayat ang lahat ng tao noong dekada 70, sa probinsya man o sa Metro Manila na magtanim ng gulay sa kanilang mga bakuran at sa mga nakatiwangwang na lote. Talong, upo, okra, sitaw, bataw, patani at iba pa.
Dapat buhayin iyan ngayon lalu pa’t nagtataasan ang halaga ng bilihin. At may praktikal na programa si Sen. Ed Angara na kung tawagin ay: OMG o Oh My Gulay!
Gusto ni Sen. Edong na ugaliin ng mga Pinoy ang pagkain ng gulay bilang tugon sa lumulubhang problema ng malnutrisyon. Pero paano mangyayari kung ang presyo ng gulay ay tumataas din? Solusyon – pagtatanim sa ating mga bakuran. Kung nagawa sa panahon ni Great Makoy iyan, puwede rin nating gawin ngayon. Doon nga sa amin sa Novaliches ay ginagawa namin iyan sa isang bakanteng lupa na tinatamnan namin ng kamoteng ba-ging, papaya, talong, malunggay at iba pa. Diyan na kami kumukuha ng makakaing gulay ng aking mga kapitbahay. Iyan ang tinatawag na “subsistence economy” o di ba?
Ayon sa DepEd at DSWD na nagsagawa ng isang research kasama ang ilang NGOs, halos 30 percent ang dropout rate sa mga bata sa Grade 1 at Grade 2. Ang dahilan ay malnutrisyon. Kaya ani Sen. Edong, dapat buhayin ng mga guro ang school gardening para makapag-ani ang mga mag-aaral ng gulay na kakainin nila. Isama na riyan ang pagtatanim ng melon, pakwan, pinya, papaya at iba pang prutas.
Sa ngayon, ipinatutupad ng Department of Education ang Gulayan sa Paaralan na dito’y involved ang may 1.8 milyong estudyante sa may 6,000 paaralan sa elemen-tarya at high school. Dapat marahil ay palawakin pa ito ni DeEd Sec. Armin Luistro.
Pero para sa akin, hindi lang sa mga paaralan kundi sa atin-ating mga bakuran, kung may garden tayo. Hindi naman kailangan ang mala-king lote. Imbes na ornamental plants ang itanim, eh di gulay na puwedeng makain. Sa ngayon kasi, 15 porsyento lang ng 42,000 public schools sa buong bansa ang kalahok sa programa.
Sige na mga katoto. Magtanim na tayo ng gulay sa ating mga backyard o kahit frontyard para malutas ang problema sa pagkain.