MULI tayong pinaaalalahanan na ang Panginoon ay may pagpapala at sumpa. Pagpapala sa mga sumusunod sa Kanyang mga utos. Ganundin ang sumpa sa mga sumasamba sa ibang diyos: Diyus-diyosan, salapi at kapangyarihan.
“Diyos ko, ako’y ipagtanggol at iligtas, Panginoon.” Lagi nating kausapin ang Panginoon upang ingatan tayo at mapaglabanan natin ang kasamaan. Tayo’y pinatatawad dahil sa ating pananalig sa Kanya. Si Hesukristo ang nagpadaloy ng kanyang dugo sa Kanyang pagpapatawad sa ating mga nagawang kasalanan.
Sinasabi Niya na hindi lahat ng tumatawag sa Kanya ng Panginoon, Panginoon ay makapapasok sa kaharian sa langit. Ibig sabihin na hindi lahat ng dasal nang dasal, simba nang simba o samba nang samba, retreat nang retreat, sermon nang sermon, encounter nang encounter, shalom nang shalom, shaddai nang shaddai, sister nang sister, brother nang brother o father nang father, ay makapapasok sa kaharian ng langit kung hindi sumusunod sa kalooban ng Ama sa langit. Kung minsan ang mga simple at payak na kasapi ng isang simbahan ay siya pang pinagkakalooban ng kaligtasan.
Noong nakaraang linggo ay binanghay sa atin ang kabuuan ng Sampung Utos ng Diyos. Sinusunod ba natin? Ang pananalig at pananampalataya sa Diyos ay natutulad sa pagtatayo ng bahay sa ibabaw ng bato. Dumating man ang lindol, bagyo, malakas na ulan, baha, at unos ng pagsubok ay hindi magagapi sapagka’t ang bawa’t nakikinig sa Salita ng Panginoon ay may matibay at matatag na paniniwala, pananalig at pananampalataya tulad sa haliging bato.
Sa darating na Miyerkules, Marso 9, 2011 ay simula na naman ng ating pagsisisi at pagpapanibagong buhay, labanan ang mga tukso at iwasan ang kasamaan. Ito ang Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday) simula ng pag-aayuno at pagpapakasakit. Ito ang Kuwaresma, 40 araw ng paghahanda sa Muling Pagkabuhay ni Panginoong Hesus.
Dt 11:18-26, 28-32; Salmo 30, Roma 3:21-25a, 28 at Mt 7:21-27