EDITORYAL - Walang kahandaan para sa OFWs
ANG nangyayari ngayon sa Libya na natutuliro ang mga overseas Pinoy workers ay nangyari na rin noon sa Lebanon. Ang mga Pinoy sa Lebanon nang magkaroon ng digmaan doon ilang taon na ang nakararaan ay hindi rin malaman kung saan tatakbo. Ang ibang expatriates ay nailikas na ng kanilang embahada pero ang mga Pinoy ay naroon pa at parang mga daga na naghahanap ng makakanlungan. Wala ring taga-Philippine Embassy na nagpaplano kung paano sila maililikas at mailigtas sa kapahamakan.
Tuliro ang marami pang OFWs sa Libya. Hindi sila makaalis sa kani-kanilang mga tirahan o compound ng kanilang kompanya sapagkat maaaring mapatay sila ng mga naglalabang Libyans. Humihingi sila ng tulong sa embahada o DFA pero wala umanong dumarating na tulong. Isang malaking katotohanan na walang kahandaan ang embahada sa Libya na tugunan ang mga OFW doon. At ito marahil ang dahilan kaya personal nang nagtungo roon si acting Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario para pangasiwaan ang paglikas ng mga OFW doon. Matagumpay na nailabas ni Del Rosario ang may 500 OFWs sa Tripoli at nakarating sila sa Djerba, Tunisia. Anim na oras silang naglakbay. Umano’y 40 sasakyan ang kanilang ginamit. Pawang checkpoint ang kanilang dinaanan na ang nagmamando ay mga kabataang Libyans na armado ng AK-47 rifle. Ilang beses silang nag-u-turn para maiwasan ang mga nagbabarilang anti-Kadhafi at mga loyalist naman ng Libyan leader. Pawang “ngiti” lamang daw ang kanilang ginamit para makalampas sa checkpoint at dininig daw ang kanilang dasal sapagkat pinalampas sila ng mga armadong Libyans.
Ang pagtungo ni Del Rosario sa Tripoli at inilikas ang mga OFW ay nagpapakita na walang kahandaan ang embahada ng Pilipinas doon. Kung tutuusin, hindi na dapat pang magtungo roon ang DFA secretary sapagkat may mga opisyal doon. Ano ang silbi nila? Nagpapalamig sa kanilang opisina?
Ang mga nasa embahada ang unang dapat makaalam ng nangyayari sa mga OFW. Sila ang dapat gumagawa ng paraan at naghahanda ng plano kung paano ililikas ang mga OFW. Pero ang nangyari, mismong ang secretary pa ang nangasiwa para mailikas ang mga kawawang OFW. Ibig sabihin, inutil o walang silbi ang mga opisyal doon. Hindi sila karapat-dapat sa puwesto.
- Latest
- Trending