'Ang pagbabalik ni Kikong Agimat'

Noong Disyembre naisulat ko ang kakaibang istorya ng isang ‘complainant’ na pinaulanan ng bala, tinamaan. Nag-dive sa ilog at sumisid papalayo. Paglutang sa tubig, nakakita ng bangka, sumakay, sumagwan kahit duguan at nauubusan na ng lakas… milagro siyang nabuhay.

Ang tinutukoy namin ay si Franciso Bazarte, o binansagang “Kikong Agimat”. Ang singkwenta’y otso anyos na si Kiko ay galing pa sa malayong lugar ng Laoang, Northern Samar.

Sinadya niya ang aming tanggapan dahil sa umano’y mabagal na pag-usad ng kasong FRUSTRATED MURDER na kanyang isinampa.

Pinapapatay daw siya ng sarili niyang mga pinsan ng dahil sa lupa. Gusto daw solohin nina Marcelina at Alberta Balitbit, ang walong hektaryang lupa.

Ika-17 ng Hulyo, 2010 bandang 9:00 ng umaga, nangyari ang pamamaril. Habang nasa niyugan si Kiko, may dumating na dalawang motorsiklo.

Ang nakasakay dito ay sina Alberta at Marcelina at dalawa pang lalaki na hindi niya kilala.

Bumaba ang mga ito. Lumapit kay Kiko. Sumigaw si Marcelina, “Yan si Kiko,” Biglang bumunot ng baril ang lalaki, itinutok at ipinutok.

Hindi siya tinamaan. Hinabol siya ng mga lalaki. Nakara­ting si Kiko sa may ilog. Tumalon siya sa hanggang bewang na ilog at sumisid.

Nang makalayo, umahon siya dahil inakala niyang wala na ang mga tumutugis sa kanya. Inasinta siya at nasapul sa tyan. Pagapang na lumangoy si Kiko sa ilog hanggang makarating sa pampang.

Dun siya nagpahinga. Bumulwak ang dugo mula sa tama niya sa tyan. Nakakita siya ng bangka, sumakay, sumagwan kahit duguan. Tinalian niya ang butas niyang tyan para hindi siya maubusan ng dugo.

Pagdating sa bahay, naghanap siya ng ‘pump boat’ at dumiretso siya sa Tan Memorial Hospital. Agad siyang ginamot.

Dumating din sa ospital ang mga pulis at kinuhanan siya ng pahayag.

Ika-17 ng Agosto, nagsampa si Kiko ng kasong ‘Frustrated Murder’ laban kay Marcelina at Alberta.

 “Magsasaka lang ako kaya malakas ang kanilang loob na iutos na ipapatay ako,” wika ni Kiko.

Kinuha ni Kiko na abugado si Attorney Volter Legazpi. Nagbayad siya ng Php20,000 para sa ‘acceptance fee’ at Php1,500 para daw pambayad sa piskal.

Ang problema hanggang ngayon hindi pa rin umuusad ang kanyang reklamo. Lumalabas na wala pang kasong isinampa sa Prosecutor’s Office.

Ilang beses na umanong nangangako ang abugado sa kanila ngunit wala pa ring nangyayari. Ito ang dahilan kaya siya nagsadya sa aming tanggapan.

Itinampok namin ang istoryang ito ni Kiko sa CALVENTO FILES sa radyo, ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Tinawagan namin si Attorney Volter Legazpi. Inalam namin kung ano ang ‘status’ ng kaso ni Kiko. Sinabi nitong nasa Prosecutor’s Office na at kasong Frustrated Murder ang isinampa niya.

Nang aming tanungin kung ano ang I.S Number at kung kailan niya sinampa ang kaso nagkautal-utal ito. Naospital daw siya kaya hindi niya matandaan ang detalye. Kumpiyansa niyang sinabi na nakapanumpa na daw si Kiko sa piskalya.

Mariin naman pinabulaanan ito ni Kiko. Sinabi niya na kailanman hindi siya nakatuntong ng Prosecutor’s Office.

Sumagot naman itong si Atty. Legazpi na baka daw nakalimutan lang ito ni Kiko. Dagdag pa niya may kanya-kanya daw istilo ang mga abugado. Hinihintay pa raw niya ang ‘Authority to Prosecute’ para sa ‘preliminary investigation’.

Huh? authority to prosecute mula sa prosecutor? Dasalasanonsens                

Hinamon namin siya na ilabas niya ang ‘complaint affidavit’ na kanyang ginawa. Ipa-‘fax’ niya daw ito ngunit wala kaming natanggap.

Bilang tulong pinapunta namin si Kiko kay Prov. Prosec. Romeo Ebdane Sr. sa Northern Samar.

Natuklasan niya na totoo ang hinala namin. Wala pang isinasampang kaso itong si ‘Atty. Bola-bola’.

Tinawagan namin si Atty. para kumprontahin. Nagpalusot na naman itong si Atty. Bola-bola. Sinabi niya na meron pa raw hindi napipirmahang papeles itong si Kiko kaya hindi niya naisampa ang kaso. Ayun… nagdahilan na naman.

Eh bakit sinasabi mo sa radyo na may I.S number na yan yun pala hindi pa napipirmahan ang papeles.

Bulok na ang ‘style’ mo Atty. Bola-bola. Bandang huli nang maipit na siya nangako ito na aasikasuhin na niya ang pagsampa ng kaso. Mabuti naman Atty. Bola-bola dapat lamang na suklian mo ng tapat na trabaho ang iyong kliyente

“Maraming salamat sa inyo sa Calvento Files sa tulong na ginawa niyo sa akin. Kung hindi dahil sa inyo baka hindi pa rin naisasampa ang kaso ko,” pahayag ni Kiko.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isang paalala lang namin sa lahat ng abugado na kung tumanggap na ng ‘acceptance fee’ sana naman huwag niyong bolahin ang inyong mga kliyente dahil baka bandang huli tumalbog ang bolang ito sa inyong mga mukha at mamaga pa ang nguso ninyo.

(KINALAP NI AICEL BONCAY)

Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text niyo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: tocal113@yahoo.com

Show comments