Pag-aalala ng magulang
MAY edad bang ganap na mananagot sa sarili ang mga anak? Darating ba ang panahon na manonood na lang ang mga magulang, sasabihin na “buhay nila ‘yan,” at wala nang mararamdamang pangamba?
Nu’ng paga-20 anyos ako, alalang-alala akong naghintay sa labas ng Emergency Room habang tinatahi ang ulo ng anak na nahulog mula sa puno. “Lilipas kaya ang ganitong pag-aalala sa kanila?” tanong ko. Sagot ng nurse: “Kapag lumipas na sila sa pagiging malikot.” Tahimik na napangiti ang mga magulang ko na naghatid sa amin sa ospital.
Nu’ng paga-30 anyos, nanliit ako sa munting upuan sa classroom habang pinapanood ang isa pang anak na walang-tigil dumaldal tungkol sa pagiging taga-alaga ng ahas paglaki. Nabasa ng titser ang isip ko: “Huwag kayo mag-alala, dumadaan silang lahat sa ganyan.” Tahimik lang na ngumiti ang magulang ko nang ikuwento ko ang eksena.
Nu’ng paga-40 na, tila habambuhay ako naghintay kumiriring ang phone, pumarada ang kotse, at pumasok sa pinto ang anak na nag-date. “Huwag ka mag-alala,” payo ng kabarkada. “Kinikilala nila ang sarili; ilang taon na lang hustong edad na sila, magsasarili, kaya wala ka nang ika-ka-bahala. Muli tahimik na ngumiti ang aking magulang.
Ngayong paga-50, pagod na ako sa pag-aalala sa mga anak. Pero heto pa ang sisti: Miski nagsasarili na nga sila, nangangamba pa rin ako sa kanilang mga pagkakamali, pinag-iisipan ang kanilang mga sama ng loob, at hindi makatulog sa kanilang mga problema. Ang masaklap, wala naman akong magawa. At tahimik pa rin ngumiti ang magulang ko.
Talaga ba’ng hindi hihinto ang pag-aalala ng magulang? Nu’ng makalawa, napabisita nang walang abiso ang panganay ko, kasama ang unang apo namin. “Nasaan ba kayo?” inis na usisa niya. “Maghapon at magdamag ako tumatawag pero hindi kayo sumasagot.
Siguro naiwan na naman ninyong naka-silent ang cell phone ninyo, ano?” At naisip ko, “Aba, naipasa ko na sa kanya ang pag-aalala.” (Halaw sa Internet)
- Latest
- Trending