WALA ring napiga sa mga taong inimbitahan ng Senate Blue Ribbon committee kahapon. At maaaring walang mangyari sa ginagawang im-bestigayon kaugnay sa nilustay na pondo ng Armed Forces of the Philppines. Paano magkakaroon ng liwanag gayung pag-iwas at pagkalimot ang ginagawa ng mga inimbitahan. Nakakadismaya nang marinig mula sa mga inimbitahan na hindi raw nila maalala ang mga nangyari. Nakakakulili na ang paulit-ulit na pagsasabing hindi maaaring sagutin ang tanong sapagkat iyon ay kanyang karapatan.
Kahapon ay lumutang na ang asawa at bayaw ni dating comptroller Jacinto Ligot sa Senado. Nang tanungin si Edgardo Yambao, bayaw ni Ligot kung saan kinuha ang pinambili sa mga ari-arian at sasakyan, sinabi nitong may negosyo raw sila. Madalas daw siya sa ibang bansa dahil naghahanap siya ng kasosyo sa kanyang negosyo. Inamin din niyang may bahay siya sa Australia. Pero nang tanungin ni Senate President Juan Ponce Enrile kung magkano ang capital nila sa negosyo ay hindi makasagot si Yambao. Pinaikut-ikot siya ni Enrile. Pero laging ang sagot ni Yambao ay hindi niya maalala ang mga nangyari. Hindi rin niya maalala kung anong mga taon siya nagbiyahe sa ibang bansa.
Malaking pagkadismaya naman ang nadama ng mga nagmomonitor sa kaganapan sa Senado nang hindi makapagpatuloy si Mrs. Erlinda Yambao Ligot sapagkat tumaas ang kanyang blood pressure. Masama ang pakiramdam ni Mrs. Ligot. Walang nagawa ang mga senador kundi ang ipag-utos na magkaroon muna ng break. Hanggang sa pagpasyahang ipagpaliban ang pagtatanong kay Mrs. Ligot.
Kaya walang nangyaring maganda sa Senado kahapon. Hindi umusad ang iniimbestigahang anomalya sa pondo ng military. Kapag ipinatawag muli si Mrs. Ligot at kapatid na si Yambao, sana naman ay magkaroon na nang liwanag. Inaasahan ng taumbayan na mayroong heneral na makukulong dahil sa graft and corruption. Hindi sana mabalewala ang pagsisikap ng mga taong nagsulong para maibulgar ang grabeng katiwalian sa AFP. Sa susunod na hearing meron na sanang magandang mangyari kung saan ay makikitang ang mga corrupt ay mayroon nang kalalagyan.