Mga kawatang guwardiya
APAT na guwardiya ang humablot sa bag ni Ginang Gina Lamalilao habang naglalakad sa may tulay ng Gandara, Binondo kahapon. Ang bag ay may lamang P1-milyon. Kagagaling lamang umano ni Lamalilao sa Bangko ng sundan siya ng mga suspek at inagaw ang kanyang bag. Subalit buo ang loob ni Ginang Lamalilao at nanlaban siya sa apat pero pinukpok siya ng dalawang beses sa ulo kaya siya napalugmok. Nakatawag-pansin sa bystanders at pulis ang pangyayari kaya naireport agad kay Chief Insp. Jhonny Gaspar ng Gandara PCP at pinakalat ang mga pulis para mahuli ang mga guwardiyang kawatan. Ang dalawang guwardiya ay sumakay ng motorsiklo pero nakabanggaan ang isang van at tumi-lapon sila sa kalsada. Dinakma ang mga ito ng mga pulis ni Chief Insp. Gaspar na sina PO3 Eduardo Belamide, PO1 Joseph Vistan, PO1 Israelito Forteza, PO1Mark Manuel Co, PO1 Rodrigo Co, PO1 William Toledo, PO1 Liberito Tupaz, PO1 Marvin de Leon, SPO2 Armando Licayan, PO2 Ronald Rivera, PO1 William Cristobal, PO1 Gerald Nuñez at PO3 Resurection Abenojar.
Nabawi sa mga ito ang P1milyon ng ginang subalit nang dalhin sa tanggapan ni Chief Insp. Gaspar ay kulang na ng P500,000. Palaisipan kay Chief Insp. Gaspar ang pagkawala ng P500,000. Nang mabawi raw ang pera sa mga suspek ay agad kinuha ng isang pulis na hindi tauhan ni Chief Insp. Gaspar at nagmalasakit umano na ito na ang magdadala sa kanyang opisina. Mukhang may masamang balak pa ang tusong pulis dahil kahit na anong pilit na pagtatanong ni Chief Insp. Gaspar ay todo ang pagtanggi na ibinulsa niya ang pera.
Ngunit sa kalaunan, natakot ito kaya pasimpleng isinauli ang P500,000 sa kapwa pulis na nag-abot kay Chief Insp. Gaspar. Ang dapat sa pulis ay ipatapon sa malayong lugar para hindi pamarisan. Mantakin n’yo mga suki, sa halip na umani nang magandang rekomendasyon ang mga tauhan ni Gaspar ay muntik pang maunsiyami dahil sa paghahangad ng isang pulis sa perang hindi naman kanya. Subalit bahala na si MPD Director Chief Supt. Roberto Rongavilla sa pagdisiplina sa pulis na hindi ko muna sasabihin ang pangalan.
Ang apat na guwardiya na suspect sa pagnanakaw ay sina Jerry Muldes y Fernandez, Elmer Amosco y Fuedeban, Rexer Pomajeros at Ronnel Desolong y Gudilon. Sila ay pawang security guard ng Centenial Security Agency na ang lakad ay mangholdap sa mga bank depositor sa paligid ng Binondo. At kakutsaba umano ng apat ay si Noel Germino na Officer-in-Charge ng Metro Bank-Gandara branch. Ganyan na ba ngayon ang mga guwardya? Kaya kayong mga depositor sa banko, mag-ingat kayo sa tuwing magdedeposito at magwi-withdraw ng pera at baka mabiktima ng mga kawatang guwardiya.
- Latest
- Trending