Nakalugmok pa rin sa kahirapan
MARAMI akong natutuhan sa mga kababayan dito sa US nang pag-usap-usapan ang tungkol sa karanasan
nila noong EDSA people power. Nasa US na ako ng mga panahong ‘yun kaya talagang interesado ako kapag nakakarinig ng tungkol sa mga istorya ng people power. Ikinukuwento ng mga Pil-Ams na kasama sila sa mga napakaraming Pinoy na naghihirap noong martial law kaya napilitan silang mag-aklas laban kay Ferdinand Marcos.Nakita nilang nagkakamal ng limpak-limpak na salapi sina Marcos at mga kaalyado. Wala namang magawa ang mga mamamayan noon upang labanan ang mga Marcoses dahil sa mamamatay lamang sila kapag may pumiyak sa kanila. Lahat ng ari-arian na magustuhan nila ay kukunin na parang kumuha lamang ng candy sa isang bata.
Nasisiguro kong hindi lamang mga Pinoy ang nakaaalam ng kuwentong ito kundi pati na ang mga iba’t ibang lahi sa buong mundo. Alam ng lahat na ang mga Marcos at mga kaalyado lamang ang mga nakaangat sa kabuhayan noon. Ang nakakalungkot nga lamang, hanggang ngayon mula noong 1986 nang mapatalsik ang mga Marcos sa Pilipinas, 25 taon na ang nakararaan ay hindi pa rin umasenso ang Pilipinas. Nakalugmok pa rin sa kahirapan ang mga Pilipino.
Humanga ang buong mundo dahil sa people power na sinimulan ng mga Pinoy. Ito ang naging inspirasyon ng mga bansa na may karanasang katulad ng sa Pilipinas. Noong people power ng 1986, naitaboy ang mga Marcoses. Sa sumunod na people power, pinatalsik naman si dating Presidente Joseph “Erap” Estrada at ang iniluklok ay si President Arroyo. Marami ang nagsisi sa ginawang pagsuporta kay Arroyo sapagkat naging grabe ang kalagayan ng Pilipinas.
Sayang ang ibinuhos na paghihirap at sakripisyo ng mga Pilipino sa pagtataya ng kanilang buhay sa pagtataguyod ng mga people power upang ma-kamtan natin ang demokrasya nang sa ganoon ay makawala sa kahirapan at bumuti na ang kalagayan ng bansa. Mabuti pa noon na pumapangalawa na ang Pilipinas sa Japan sa mga asensadong bansa. Ngayon, matapos ang mga pagsasakripisyo ng mga Pinoy, pumapangalawa ang Pilipinas sa mga nasa ilalim ng mga naghihikahos na bansa.
- Latest
- Trending