Hustisya kay Ortega!
ANG pagpaslang sa komentaristang si Dr. Gerry Ortega na isang crusading environmentalist ay dagok sa administrasyong Aquino. Buwena Mano sa kawing-kawing na media killings sa bawat administrasyon. Sana ay maisilbi ang karampatang hustisya. Maraming teorya sa pagpaslang pero malinaw na si Ortega ay ipinaligpit ng mga nasasagasaan ng kanyang mga mabagsik na komentaryo. Ang pagmimina na tinututulan ni Ortega ay isang multi-bilyong industriya sa Palawan.
Isa sa mga suspek sa kaso, isang alias Junjun Bumar ang nagturo kay dating Gobernador Joel Reyes bilang utak sa krimen. Si Bumar ay alalay daw ni Reyes. Siya umano ang kumausap kay Marlon Dichaves, ang killer na natiklo agad matapos maganap ang krimen. Mariing itinanggi ni Reyes ang paratang. Ngunit naniniwala ang mga kaanak ni Ortega na ang dating Gobernador ang “utak”. Sumusuporta naman si Mayor Edward Hagedorn ng Puerto Princesa sa pamilya Ortega. Kay Hagedorn sumuko ang suspek at sinundo pa siya ng alkalde sa Pagbilao Quezon.
“Biktima ako ng pulitika!” ang sigaw ni Reyes at iginigiit na wala siyang sala. Aniya, si Hagedorn, ang mahigpit na kalaban niya sa pulitika. Ito umano ang tuwirang dahilan kung bakit agad nakisawsaw ang alkalde sa kaso. Bakit daw agarang dineklara ni Hagedorn na sarado na ang kaso gayung di pa tapos ang NBI probe? Kinukuwestyon ng kampo ng ex-governor ang anila’y pakikialam ni Hagedorn.
May mga nakaraan nang pagpaslang sa Palawan tulad ng naganap kay Alkalde Fernando “Dong” Batul na binaril at napatay noong 2006. Noong Abril 2007 niratrat din sa siyudad ang opisyal ng Comelec na si Petronilo Amorin, Jr.
Huwag na sanang masundan ang mga pagpatay na ito. Higit sa lahat, mapanagot nawa ang totoong dapat managot sa kaso. Nakalulungkot na ang isang crusading journalist tulad ni Ortega na may magandang adhikain ay pinapatay ng mga kampon ng kadiliman na kumokontra sa mabubu-ting ipinaglalaban.
- Latest
- Trending