PINATAY ng mga piratang Somalia ang apat na Amerikanong hinostage nila matapos agawin ang yateng sinasakyan. Ito ang mga unang Amerikano na namatay sa kamay ng mga pirata. Napatay ang dalawa sa mga pirata at nahuli ang 13. Talagang wala nang pinipili ang mga pirata. Pati yate ay tinatarget na rin. Dati mga mala-laking cargo ship o tanker lang ang hinaharang at saka ipatutubos. Kadalasan, mga Pilipinong tripulante ang kinikidnap. Marami pang bihag ang mga pirata at wala pang linaw kung kailan sila pakakawalan.
Maraming nagtatanong kung bakit ayaw pang baguhin ang patakaran ng mga kompanya na huwag nang lumaban kung sakaling masampahan ng mga pirata ang kanilang mga barko. Marami ang hindi maintindihan kung bakit hindi nilalagyan ng mga armadong guwardiya ang mga barko at tila pinababayaan na lang ma-hijack! Ngayong mga Amerikano na rin ang napatay, magbabago na kaya ang lahat na iyan?
Alam naman ng mga Amerikano kung nasaan ang pugad ng mga pirata sa Somalia. Bakit hindi pa lusubin para matigil na ang salot sa Gulf of Aden? Ilan na ang nabibiktima ng mga pirata. Ilang milyong dolyar na ang kinita ng mga iyan! Ilang tripulante ang nahiwalay sa kanilang mga kapamilya na walang katiyakan kung kailan makakabalik sa kanilang mga mahal sa buhay? Kaya napaka-walanghiya na ng mga pirata dahil parang walang pakialam ang mga kompanya kapag nakukuha na ang kanilang barko!
Kailangan nang baguhin ang mga patakaran, para malabanan na ng deretso ang mga pirata na iyan. O maghihintay pa ang Amerika na may mamatay pang mamamayan nila bago tuluyan nang masugpo ang mga pirata? Kung nilusob nila ang Iraq at Afghanistan sa dahilan na may weapons of mass destruction, bakit parang hindi nila magalaw ang Somalia? Dahil ang krimen ay nagaganap sa international waters, kahit sinong bansa ang puwedeng labanan ng direkta ang mga pirata. Di na siguro kailangan ang basbas ng UN para labanan ang krimen.