Alas -9 na ng gabi, Pebrero 22 nang magdatingan ang dalawang dosenang empleyado ng Makati City Hall, lulan ng dalawang van sa Business Center ng BITAG.
Ang kanilang pakay, agarang maiparating ang mga hinagpis, sama ng loob at reklamo laban sa kanilang acting city accountant na si Cecilio Lim III, kilalang “shooting buddy” umano ni Makati City Mayor Junjun Binay.
Pananakit, pananakot, pagmumura, panlalait at pamamahiya daw ang kanilang mga sinapit sa bosing nilang si Cecilio Lim III, kilala sa pangalang si “Cecile”.
Dala na rin siguro ng pagod dahil sa layo ng kanilang pinanggalingan, mula Makati papunta sa amin sa Que-zon City, naging emosyunal ang lahat.
Nag-iyakan ang ilan sa kanila na matagal nang empleyado ng accounting department, panahon pa ng ama ni Junjun na si dating Mayor Jejomar Binay na ngayon ay Bise Presidente na.
Hinggil daw ito sa walang pakundangang pagmu- mura gamit ang salitang “P.I. mo” sa kanila ni Cecile. Nangyayari raw ito sa harap mismo ng kanilang kapwa empleyado sa accounting department.
Malaki ang kanilang takot sa pagdadala ng mga baril ni Cecile tulad ng shotgun at 45 caliber pistol sa loob mismo ng kanilang tanggapan. Sa oras daw ng kanilang trabaho, nililinis ni Cecile ang kanyang mga baril.
Ang kanyang dating tsuper na empleyado rin ng Makati City Hall, inuutusan ni Cecile na maglinis ng shotgun sa oras ng trabaho sa harap ng kaniyang mga kasamahan.
Abot-langit ang kanilang pangamba partikular ‘yung mga malapit sa kinaroroo-nan ni Cecile. Madalas nilang naririnig ang pagkasa ng baril ni Cecile habang naglilinis ito.
Dasal ng isang emple-yadang ginang na ang edad ay magsi-singkuwenta na, ‘wag mangyari ang kaniyang naranasan. Ang kaniyang amang dating pulis, habang naglilinis noon ng baril, pumutok. Su-werte namang kisame lang ang tinamaan.
Gusto niya daw sabihin sa kaniyang among si Cecile. Subalit, hindi niya magawa. Iniiwasan niyang mamura ng “P.I. mo”, kaya idinaan niya na lang sa dasal.
Ang isang dating drayber ni Cecile, mangiyak-ngiyak na ikinuwentong inuutusan daw siya ni Cecile, bitbitin ang isang bag na ang laman ay shotgun.
Hindi niya sinasadyang masagi niya sa elevator ang dala-dala niyang bag. Bigla na lang daw siyang sinapak sa batok. Nang mapaluhod siya sa loob ng elevator, tinuhod pa daw siya sa dibdib ni Cecile.
Hindi niya makalimutan ang binitiwang salita ni Cecile, “P.I. mo, mas mahal pa yang shotgun na ‘yan sa buhay mo!”
Abangan ang karugtong….