NATATANDAAN namin ang sinabi ng namayapang Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin noong Pebrero 25, 2000 sa pagdiriwang ng ika-14 na anibersaryo ng EDSA people power revolution. Totoo raw na naibalik ng EDSA revolution ang demokrasya sa bansa subalit ang corruption aniya ay nananatili pa rin at walang pagbabago. At dahil patuloy ang corruption marami pa rin ang naghihikahos ang buhay. Ang mga mahihirap noong 1986 ay mas humirap pa ang buhay. Namatay si Sin noong June 21, 2005 dahil sa karamdaman. Nakamatayan niya na marami pa rin ang mahihirap at mas marami ang nangungurakot sa kaban ng bansa. Si Sin ay isa sa mga naging instrumento para maging matagumpay ang EDSA 1 revolution. Nanawagan siya sa taumbayan na suportahan ang mga sundalo sa EDSA. Nagkapitbisig ang mga tao at hindi nagtagumpay ang mga sundalo ni President Marcos. Tumakas sina Marcos noong gabi ng Pebrero 25, 1986.
Dalawampu’t limang taon na ang nakararaan mula nang magkaroon ng demokrasya sa bansa. At tama ang namayapang cardinal na demokrasya lamang ang tanging nakamit sa EDSA 1 revolution. Ang corruption na matagal nang ninanais na mawala sa pamahalaan ay patuloy pa rin at lalo pang tumitindi. Katunayan na patuloy ang corruption sa bansang ito ay ang patuloy din namang imbestigasyon ng Senado sa mga nangyayaring katiwalian. Sa mga nakaraang taon, walang patlang ang pag-iimbestiga ng Senado sa mga anomalya NBN-ZTE deal, fertilizer fund scam, MegaPacific deal at iba pa. At sino rin ang makalilimot sa pagpapatalsik kay dating President Joseph Estrada noong 2001 na ang ugat din ay corruption.
Ngayong taon na ito, abalang-abala ang Senado sa mga heneral na lumustay ng pondo ng Armed Forces of the Philippines kasabwat ang mga taga-Commission on Audit. Dawit ang mga asa-asawa ng heneral sa paghahakot ng pera ng AFP patungo sa US. Malalim ang corruption sa AFP at walang nakaaalam kung mayroon itong katutunguhan.
Tama si Cardinal Sin na demokrasya lang ang nakamit sa EDSA. Nararapat sa nangyayaring ito na maglunsad ng people power laban sa mga corrupt. Lusubin ang mga matatakaw sa pera!