Dalawang batong nag-uumpugan
BIGO si former Senator Mar Roxas na payapain ang Taiwan sa ginawa ng Pilipinas na ideport ang 14 Taiwanese criminals sa People’s Republic of China (PROC). Galit pa rin ang Taiwan sa Pilipinas. Ang gusto ng Taiwan ay humingi tayo ng “sorry”. But to say sorry is a “no-no” as far as our government is concerned.
May nagtanong sa akin: Sino ang dapat managot sa kapalpakan? Ano ang gagawin ng administrasyon para managot ang mga nagpadeport sa mga Taiwanese sa PROC imbes na sa Taiwan? Malabo iyan. Kasi naninindigan ang gobyerno na tama ang ginawa nito dahil ang mga naturang Taiwanese ay may kaso sa China. Nakaipit sa dalawang nag-uumpugang bato ang gobyerno. Kung sa Taiwan ipinatapon yung mga Taiwanese, China naman ang magagalit at malalagay sa alanganin ang mga death convicts na Pilipino roon.
Pero ngayong galit ang Taiwan sa Pilipinas, nanga-nganib naman ang trabaho ng maraming Pilipino sa Taiwan na maaaring tanggalin at pabalikin sa ating bansa. Pati nga yung mga aplikanteng Pilipino ay sinimulan nang higpitan. Umaasa pa naman ang ekonomiya ng bansa sa kontribusyong naibibigay ng mga OFWs. Kung tatanggihan na ng Taiwan ang mga Pinoy workers, ma-laking kawalan ito sa bansa.
Si Pangulong Noynoy mismo ang nanindigan na hindi hihingi ng paumanhin ang Pilipinas sa Taiwan. Ayon kay Roxas na isinugo ng Pangulo sa Taiwan, hindi lamang ang gobyerno ng Taiwan ang galit sa atin kundi pati mga mamamayan nito. Iyan ang ipinahayag kay Roxas ng
Presidente ng Taiwan na si Ma Ying Jeou.
Mahirap kumambyo nga yon ang gobyerno. Kung ito’y hihingi ng tawad sa Taiwan, tiyak ang China naman ang magagalit. Naging matagumpay pa naman ang biyahe ni Binay sa China at ang pagbitay sa tatlong Pilipinong nakatakdang sumalang sa lethal injection noong Lunes ay ipinagpaliban. Oo nga’t postponement lang ito pero nagbibigay sa atin at sa pamilya ng mga bibitayin ng kahit kaunting pag-asa.
Tingin ko’y mas pinahalagahan ng Pangulo ang buhay ng mga bibitaying Pilipino kaysa posibleng da gok sa ekonomiya sa pagkawala ng trabaho ng maraming Pilipino sa Taiwan.
Wika nga, we cannot have best of both worlds.
- Latest
- Trending