Kumakalat na sunog!

TILA sunog na kumakalat ang mga protestang nagaganap ngayon sa mga bansa sa Gitnang Silangan! Nagsimula ito sa matagumpay na pagpapaalis sa presidente ng Tunisia na 24 na taong namuno. Sumunod ang pagpapatalsik kay Hosni Mubarak na tatlong dekadang namuno sa Egypt. At ngayon, may mga malawakang protesta sa Libya, Bahrain at Yemen. Malamang nabuhay ang loob ng mga pumoprotesta sa mga tagumpay ng   mga unang bansa na nabanggit ko. Iniiisp siguro nila, kung nagawa nila, bakit tayo hindi?

Maraming bansa sa Gitnang Silangan, patikular mga bansang Muslim o Arabo, ang may mga pinuno na na­pakatagal nang nasa kapangyarihan. Hindi tunay na demokrasya ang uri ng kanilang mga gobyerno dahil kadalasan wala namang mga kalaban ang mga kasalukuyang pinuno tuwing eleksyon! Sari-sari ang dahilan: May mga takot, may mga ayaw banggain ang mga nasa kapangyarihan, may mga hindi makapasok bilang oposisyon, may mga diktador na kontrolado ang bansa.

Pero dahil naging matagumpay sa Tunisia at Egypt, nabigyan ng lakas ng loob ang mga tao, na pinagsasamantalahan na rin ng mga oposisyon. At katulad ng lahat ng ganitong klaseng “rebolusyon”, ang kilos at desisyon ng sandatahang panlakas ng bawat bansa ang magsasabi kung magiging matagumpay ang isang rebolusyon laban sa gobyerno o hindi. Sa Libya, unti-unting nakukuha ng mga pumoprotesta ang ilang mga siyudad, dahil tila pinapanigan na ng army. Oras na lang ba ang binibilang ni Gaddafi, na mismong mga Amerikano ay bigo sa pagpatay sa diktador na ito?

Natataon naman na lahat iyan ay nagaganap sa bu-wan ng Pebrero, ang buwan ng EDSA revolution. Masasabi kong tayo ang nagpasimuno ng ganitong klaseng pagpapatalsik sa mga pinuno. Pero may mga nagtatanong kung tama ba ang ganitong klaseng pagpapatalsik, dahil ilang porsyento lang naman ng populasyon ng isang bansa ang nasa kalye para makisali sa protesta. Pero sa nakikita ko ngayon, tila sunog nga na mabilis nang kumakalat sa Gitnang Silangan ang nagaganap.

Show comments