Wala nang mas bulag sa nagbubulag-bulagan
NOONG ako’y bagitong mambabatas sa isang mala-king lungsod, ang isa sa pinakamahirap na kalabang nakaharap ay ang “sistema” kung tawagin. Hindi lamang ang mga “konsiderasyon” para makapasa ang mga panukala. Andiyan din ang pag-aabsent ng madalas, ang panghuhuthot, lahat nito napapabalot sa kultura na dapat kang makisama kung nais mong may marating ang iyong mga agenda bilang mambabatas.
Ganito rin sa lahat ng bagong pasok sa pamahalaan, maging gaano kataas ang baitang at saan mang kagawaran mapadpad. Ready at naghihintay lang na pumatak ang “grasya” sa iyong kamay. Magdesisyon ka lang na buksan ang iyong palad.
Ganito ang sistemang sumalubong sa mga heneral. Sabihin na natin na nagkaroon sila ng dilemma – maaring ayaw nilang tanggapin. Puwede nilang isuplong subalit ayaw nilang ipahamak ang mga naunang nabaon na. Kung tatalikuran naman nila ang puwesto nang hindi sila mamantsahan, mawawalan ng tsansang makagawa ng kabutihan.
Subalit kailan ito naging katanggap-tanggap na dahilan upang manahimik? Bukambibig ng mga nabuking eh – wala, dinatnan na namin yan. Wala na kaming magawa. Diyan sila mali. Mayroong magagawa. Hindi lahat ng nalalagay sa dagat ng “lagay” ay masayang lumalangoy. Marami rin agad umaahon at ito’y tinatalikuran.
Tingnan na lamang sina Heidi Mendoza. Sa bawat isang “wonder woman” na auditor na may PhD sa pagiging bulag at pipi, may isang katulad ni Heidi na hindi tatahimik nang basta. Sa bawat heneral na nakakalimot sa karangalan, may tumitindig sa mga prinsipyong aral sa
PMA tulad nina Gudani, Lim, Querubin at Trillanes.
At ngayon, sa isa sa pinakamalaking kumunoy ng sistema – ang Kongreso, may mga batang miyembro na nahanap ang kanilang boses at sinabing tama na. Hindi na sila magbubulag-bulagan, pipi-pipihan habang alam nilang ang reputasyon ng Kamara ay nasisira sa patuloy na abuso ng mga nakatatandang kasamahan. Mabuhay ang Neophyte Solons for Reforms (NSR) na tumindig sa paniwala na mahalaga ang personal na halimbawa sa pamumuno kaysa pakikisama sa malinaw namang bulok na sistema.
Hindi madaling gawin ang humindi sa grupo. Kayat ipakita sana natin tuwing may naglalakas loob na sa mata ng lipunan sila’y mga bayani at karapat dapat sa ating paghanga at pasasalamat.
Neophyte Solons for
Reforms Grade: 99+
- Latest
- Trending