Bantay-dagat = dagdag-huli
“NGAYON ang huli ng mga manlalambat ay umakyat nang dose kilos kada araw. May dagdag namang isang kilo kada araw ang huli ng mga namimingwit. Mas marami na po ito kaysa dati.” ‘Yan ang pahayag ni Adelito Villaluna, na ilang taon nang nangingisda sa mayamang dagat ng Nasugbu, Batangas.
Resulta ito ng paghinto ng pagdidinamita sa karagatan, isang dekada na ngayon. Mga mangingisda mismo ng Nasugbu ang nag-Bantay Dagat. Tinaboy nila ang mga taga-karatig bayan o probinsiya na nangwawasak ng pangisdaan nila. Tinatamasa nila ngayon ang biyaya — ang dagdag-huli.
Anang World Wildlife Fund for Nature (WWF-Philippines), nakatulong din ang pagsali nu’ng 2007 ng higanteng Hamilo Coast sa pagbabantay ng Nasugbu. Pag-aari ng SM Land development project ang ilang isla sa munisipyo. Patakaran nito na pababain nang husto ang epekto ng middle-class housing sa kalikasan, kasabay ng mahigpit na pag-aalaga sa baybayin, at pag-recycle at composting ng basura. Sa malinis na dagat, isla at hangin nakasalalay ang benta ng real estate sa Hamilo Coast. Kaya pinopondohan nito ang mga proyektong pangkalikasan sa Nasugbu.
Bukod sa dagdag-huli, may iba pang biyaya mula sa pagkakaisa ng mamamayan, non-government organization na WWF-Philippines, at pribadong SM Land. Tumubo muli ang coral reefs sa Santelmo Cove at Pico de Loro Cove. Nagbalikan ang sea turtles na umalis nang nagsimula ang pagdidinamita nu’ng dekada-’60. Manaka-naka’y may naglalarong lumba-lumba (dolphins). At minsan ay may natanaw na butanding. Natural na resulta: Dumarami ang turista sa Nasugbu. At dahil sa turismo, nagkaka-dagdag-hanapbuhay ang mga mamamayan.
Sana tumulad sa Nasugbu ang iba pang munisipyo. Ihinto nila ang pagdidinamita (at pagsa-cyanide), upang lumago ang kabuhayan.
- Latest
- Trending