Rat attack!
NAGKUKUMAHOG ngayon ang mga lokal na officials sa paghahanap ng paraan sa pagsugpo ng pag-atake ng mga daga sa mga farmlands dito sa Timog Mindanao. Ang Davao City council ay nagdeklara na rin ng state of calamity sa may 12 barangay dito sa Paquibato District dahil nga sa tinatawag na rodent infestation na sumisira sa mga pananim. Naglaan ng P30-million ang local government ng Davao City bilang calamity fund na magagamit sa mga barangay sa Paquibato district.
Nagrereklamo na ang mga magsasaka sa Paquibato district dahil ito nga ang kauna-unahang pagkakataon na umatake ang napakaraming daga sa kanilang taniman at wala na silang ma-harvest. Wala na ngang makakain ang mga pamilya ng mga magsasaka. Kaya ang P30 million na calamity fund ay gagamitin bilang food assistance nila at pambili ng mga pesticide o anumang pangontra sa mga daga.
Nagkaroon na rin yata ng parang reward system doon ngayon sa Paquibato district na babayaran ng city government ang sinumang makakahuli ng ilang sakong daga. Naapektuhan na ang harvest ng gulay at palay at maging mais sa Paquibato district. Kaya medyo double time ang mga local officials ngayon sa pag-address ng problema.
Ganundin ang nangyayari sa Southwestern Mindanao, partikular na sa Region 12 o sa South Cotabato na kung saan may P29-million nang halaga ng palay ang nasisira dahil din sa ‘rat attack’. Ang problema sa mga daga ay nakaapekto rin sa ilang bayan sa Sarangani.
Puwede ba, Agriculture Secretary Proceso Alcala, gumawa naman kayo ng agarang hakbang upang masugpo ang problema sa daga kasi kung hindi mas lalala ang problema ng pamahalaan sa ating mga mamamayan sa mga kanayunan dahil nga sa kawalan ng makain.
Dagdag sa kahirapan na dinaranas ng ating mga kababayan ang pag-atake ng mga daga at iba pang peste sa mga kanayunan. At kung dadami nang dadami ang dagang umaatake, lalawak at lalawak din ang problema na idudulot nito sa ating ekonomiya.
- Latest
- Trending