Pebrero pa ngayon – Buwan ng Pag-ibig
at sa buwang ito kung tayo’y iibig –
Mahalin nang tapat magulang kapaid
at pati ang ibang nasa lupa’t langit!
Araw ng pag-ibig – Pebrero Katorse
ito’y isang araw na iba at tangi;
Sa araw na ito’y binibigyang puri
ang lahat ng pusong marunong kumasi!
Ang lahat ng tao’y dapat nagmamahal
ng tapat sa puso maging sa kaaway;
At kung mamahalin pati kapitbahay
tiyak na uunlad ang lahi at bayan!
Tayong mga tao’y nilikhang may puso
sa bawa’t pagpintig ay daloy ang dugo;
Mabilis ang pintig kapag sumusuyo
at mabagal naman kung grabe na ito!
Ang tibok ng puso’y dapat na matiyak
kung ang minamahal ay gustong kabiyak;
Kung lolokohin lang mutyang nililiyag –
pag-ibig na ito ay tuldukan agad!
At ngayong Pebrero’t sa lahat ng araw
kailangang tayo’y may pusong dalisay;
Kung umiibig na’t tayo’y nagmamahal
banal na pagsinta ang dapat ialay!
Pag-ibig na tapat walang halong daya –
palagi nang ito’y mayrong gantimpala;
Ganitong pag-ibig maraming biyaya
at maging sa langit doo’y masagana!
Mapalad ang tunay tapat kung magmahal
mayaman at dukha gaganda ang buhay;
Ganitong pag-ibig ay walang kapantay
may premyo ng Diyos buhay man o patay!
At ang bunga nito’y mabubuting anak
kahi’t maralita yumayaman agad;
Kung siya’y sundalong nasanay sa hirap –
ang maging heneral di niya pangarap!