ILANG taon na ang nakararaan, pero naalaala ko pa yung dalawang magkahiwalay na burol na dinaluhan ko noon. Yung isa ay burol ni Justice Conrado Vasquez at ang isa naman ay burol ng anak ni Obet Pagdanganan, dating gobernador ng Bulacan. Hindi ko na matandaan kung anong mga taon iyon pero sa wari ko mga 2006 o 2007. Noong mga panahon na iyon, matinding binatikos ko si Gloria Macapagal-Arroyo dahil maliwanag sa paningin ko na overly corrupt at illegitimate siya na lider. Dahil nga sa laban na iyon ay sinampahan ako ng mga kaso ng mga tuta ni Gloria sa CIDG/PNP at NBI.
Sa burol ng anak ni Obet nagtagpo kami ni Congressman Edcel Lagman na diehard na bata ni Gloria. Matindi ang loyalty ng mamang ito kay Gloria. Binati ko siya pero sinimangutan lamang ako. Halatang asar sa akin marahil ay dahil sa kinakalaban ko ang dearly beloved niyang baluktot na presidente. Medyo napataas ang kilay ko dahil noong chairman ako ng NLRC, madalas siyang humingi ng tulong sa akin para sa mga kliyente niya at ni minsan ay hindi ko naman siya hiniya. Sa burol ni Justice Vasquez, iba ang pangyayari. Nandoon si General Angelo Reyes na miyembro na noon ng Gabinete ni Gloria. Hindi kami magkaibigan ni Angelo Reyes, magkabatian lang, pero ng di-sinasadyang napagawi ako sa tabi niya roon sa burol, binati niya ako at inanyayahang umupo sa bakanteng silya sa tabi niya.
Alam niyang kinakalaban ko ang boss niyang si Gloria pero nagpaka-civil siya. He was unlike Lagman na kilalang-kilala ngayon na pro-death congressman dahil sa pagsusulong niya sa RH bill. Bagama’t patay na, puwede ko pa rin sabihin kay Angie sa an man siya naroroon na mabuhay ka. Pero itong si Mr. Pro-death Congressman, ano kayang klaseng bati ang nararapat sa kanya?
Nang magpakamatay si Reyes ako’y nag-isip na baka kaya naging mabait ang asal niya sa akin ay dahil naniniwala siya sa mga pinagsasabi ko noon na mga kabaluktutan ni Gloria. Sa palagay ko si Reyes ay isang essentially upright man na naging baluktot matapos siyang mahigop ng napaka-corrupt na rehimen ni Gloria. Huli na ang lahat para kay Reyes when the long arm of the law started to get hold of him. The only way out for him was suicide.
Mahirap ang mga katulad ni Reyes ang mag-survive sa rehimeng ang lider ay tunay na matuwid. The law will catch up with them eventually maliban lang kung sila ay magpakatiwakal. Abangan natin ang mga susunod na kabanata na ang mga starring ay sina Gloria, Mike at mga collaborator nila tulad nina Ermita, Esperon,Bert Gonzales, Bunye at iba pa. Mga pare at mga mare ko’y, hindi lang ganyan ka simple ang buhay kapag kayo ay may mga malaking katarantaduhang nagawa sa sambayanang Pilipino.