Kung kailan bibitayin saka lang aasikasuhin
WALANG sinayang na sandali si Vice President Jejomar Binay matapos pumayag ang Chinese government sa pakiusap ni President Aquino na ma-rescue ang tatlong OFWs na nakatakdang bitayin sa Lunes. Mukhang betting the red lights na ang aksyon ng ating pamahalaan na mailigtas sa kamatayan sina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Bitain. Maraming kababayan ang napangiwi sa pagkakainis dahil matagal na palang humihingi ng tulong ang mga OFW pero hindi napagtuunan ng pansin. Inuuna pa kasi ng mga magagaling na mambabatas ang pagtatalo kung pananatilihin o sisibakin sa puwesto si Rep. Ronald Singson na nakakulong sa Hong Kong. Si Singson ay may kasong drug traffic-king, Nahulihan siya ng 6 grams ng coccaine. Upang mapababa ang sintensiya, inamin ni Singson sa korte na personal niyang gamit ang droga.
Parang sinilihan ang puwit na humarurot si Binay to the rescue sa mga OFW. Ewan ko lang kung tatalab ang pambobola ni Binay este diplomatic appeal sa mga galit na galit na Intsik matapos ang hostage taking noong August 23, 2010. Kasi nga mukhang unti-unti nang pinakikita ng mga Intsik ang kanilang galit sa pamamagitan ng pagbitay sa ating mga kababayan. At hindi lamang ang tatlo ang pakay ni Binay dahil mukhang may mga 69 pang kababayan natin ang kasalukuyang ginigisa sa korte na droga rin ang kasalanan.
Ito ang bunga ng kahirapan sa ating bansa, dahil sa nais ng ilan nating kababayan na makaahon sa kahirapan ay sinusuong ang panganib sa pamamagitan ng pagbakasakali pagtrabaho sa abroad, subalit sadyang marami parin sa ating mga kababayan ang malulupit sa kanilang kapwa kaya nasasadlak sa kapahamakan. Dito sa ating bansa ay kakutsaba ng ilang kababayan ang mga Intsik sa paggawa ng droga. Malakas ang loob ng mga Intsik dito sa Pilipinas dahil walang hatol na bitay di tulad sa kanilang bansa na may bitay na parusa. Dahil sa kahirapan ng Pinoy ginagamit ng mga ito sa pamamagitan ng paglinlang at pananakot sa paghakot ng droga sa iba’tibang sulok ng mundo.
President Noynoy pakibalasa mo ang mga alipores sa NAIA dahil matunog na matunog na karamihan sa mga ito ay kakutsaba ng drug syndicate. At habang sinusuyo ni Binay ang pamunuan ng China samahan natin ng dasal si Binay at baka mapalambot ang puso ng Chinese leader na mapababa ang sintensiya sa ating mga kababayan.
Abangan!
- Latest
- Trending