MUKHANG tagilid ang Pilipinas sa planong hilingin sa China na mapatawad ang tatlong Pilipino na bibitayin sa China dahil sa trafficking ng illegal drugs. Handa na sanang umalis patungong China si Vice President Jejomar Binay upang dalhin ang sulat ni President Noynoy Aquino para sa presidente ng China subalit nakatanggap yata ng balita ang vice president na hindi raw maaaring makausap ang presidente ng China.
Kaya sinabi ni Binay na ipagdasal nating lumambot ang kalooban ng mga Chinese at payagang maibigay ng personal ang sulat ni P-Noy. Baka raw matuloy na makipagkita ang Chinese officials kay Binay dahil may espesyal na pinagsamahan naman daw ang dalawang bansa. Habang sinusulat ko ito, wala pang balita kung matutuloy ang pagpunta ni Binay sa China.
Hindi rin pala pinayagan noon ng China ang kahilingan ng Prime Minister ng England na mapakawalan ang isa nilang citizen na nahulihan ng pinagbabawal na droga. Itinuloy pa rin daw ang pagbitay sa Englishman.
Himala na lang talaga ang makapagliligtas sa tatlong kababayan. Sana naman ay may magandang mangyari. Matinding leksiyon ang nangyayaring ito sa mga Pilipinong nagtatrabaho hindi lamang sa China kundi sa iba pang bansa. Igalang at sundin ang batas ng bawat bansa. Ang drug trafficking ay mabigat na kasalanan na ang parusa ay mabigat. Hindi lamang China ang nagpapataw ng kamatayan sa drug traffickers, maging ang Saudi Arabia ay mabigat din ang parusa --- pinupugutan ng ulo ang drug traffickers.
Magagaya kaya ng Pilipinas ang mabigat na batas sa China at Saudi Arabia? Sa Pilipinas ay habambuhay lang ang parusa. At ito marahil ang dahilan kaya maraming sindikato ng droga sa bansa. Kayang-kaya nila ang parusa.