Paggamit sa OFWs bilang 'drug mules'
NAGPAPATULOY at lalo pang lumalawak ang “modus operandi” ng mga international drug syndicate kung saan ay ginagamit nila bilang “drug mules” o tagabitbit ng illegal drugs papunta sa iba’t ibang bansa ang mga OFW.
Ayon sa aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, dapat nang mawakasan ang ganitong pananamantala sa ating mga kababayang manggagawa.
Base sa impormasyon, ilan sa OFW ay hindi alam na droga pala ang laman ng mga bagahe na ipinabibitbit sa kanila, habang ang iba naman umano ay alam na nagiging istrumento sila ng ilegal na transaksyon pero napipilitang pasukin ito kapalit nang malaking halaga na bayad sa kanila. Umaabot umano sa $1,500 hanggang $3,000 ang bayad sa OFW sa bawat isang kilo ng droga na kanyang maipupuslit sa ibang bansa.
Noon pa nananawagan si Jinggoy sa mga kinauukulang ahensiya at opisyal ng ating pamahalaan na magba-langkas ng komprehensibong hakbangin upang masugpo ang pananamantala ng mga international drug syndicate sa mga OFW. Kaugnay nito, pinapurihan ni Jinggoy ang direktiba ni President Noynoy Aquino na magsagawa ng “crackdown” sa mga sangkot sa nasabing sindikato.
Positibong hakbang din aniya hinggil dito ang ipinag-utos naman ng Department of Labor and Employment (DoLE) na pagsasagawa ng mga information drive at briefings sa mga OFW hinggil sa nasabing operasyon ng sindikato upang hindi sila magamit o mabiktima nito.
Payo ko sa mga kababayan na huwag basta-basta tatanggap ng mga bagahe na ipinadadala o ipinabibitbit ng ibang tao. Ang drug trafficking ay napakalaking kaso na may parusang kamatayan.
- Latest
- Trending