HINDI ko maintindihan ang nangyayaring sisihan nga-yon, kaugnay sa pagkamatay ni dating AFP Chief of Staff Angelo Reyes. At ang sisihan ay nanggagaling sa mga “sundalo” na nagtapos sa PMA. Ang kanilang sinisisi at inaakusang hindi “cavalier” ay si Sen. Trillanes, na produkto rin ng PMA. Para sa mga “sundalo”, hindi raw tama ang ginawang pagbatikos sa kapwa taga-PMA ni Trillanes kay Reyes. Para bagang, dahil pare-pareho tayong taga-PMA, di dapat nagtuturuan, naglalaglagan, nag-aakusahan. Dapat tahimik na lang, dahil pare-parehong mga “Ayer”.
Ito ang mahirap kapag pinapasok na ang mga ganyang pangangatwiran. Ano pala ang dapat gawin kapag may nakitang kamalian, korapsyon, katiwalian, krimen? Aalamin ba muna kung saan nag-aral noong high school o college bago magsiwalat o bago ilantad ang mga pagkakamali? At kung pareho nga ng pinanggalingan, hindi na dapat magsalita bilang pakikisama na lang? Kung ganito ang paniniwala ng mga “sundalo” na bumabatikos kay Trillanes ngayon, puwede ba nating sabihin na ang PMA ay pabrika na ng mga tiwali, mga mandarambong, mga magnanakaw, at wala tayong maaasahang tulong sa sinumang taga-PMA para magbigay liwanag sa mga katiwalian dahil hindi sila dapat maglaglag ng kapwa PMA? Akala ko ba may code of honor ang PMA na dapat sinusunod? Na hindi mandadaya, hindi magsisinunga-ling at hindi magnanakaw, at hindi kukunsintihin ang mga ganitong bagay! Sino ang masama ngayon, ang PMA o mga graduate nito? Hindi ba nasa tao naman talaga at wala sa pinanggalingang paaralan?
Parang sa pulitiko at gobyerno. Napakadalas nating marinig na taga-Ateneo iyan o Ateneista iyan o nakakahiya kang Atenista. Bakit ba kailangan pang banggitin kung saang paaralan nag-aral? Para namang automatic na kapag galing ng Ateneo, hindi na puwede maging magnanakaw, maging tiwali, maging kriminal. Kailangan mo lang tingnan mga katulad ni Celso de los Angeles at mga Arroyo para pabulaanan ang pagiging Atenista! Ibig bang sabihin lahat ng produkto ng Ateneo ay ganito na? Hindi! Nasa tao, wala sa kolehiyo. Kahit sino pang produkto ng pinaka-bulok na paaralan ay puwedeng maging bayani o kriminal.
Kaya huwag na nilang kaladkarin ang PMA sa gulo na lumalabas ukol sa pondo ng AFP. Ngayon, nagiging maliwanag na kung bakit maraming perang pwedeng ipaikot sa mga heneral, at hindi umaabot lahat sa mga kinauukulan. Marami pa ang kailangang malaman ukol sa nakakahiyang rebelasyong ito ukol sa AFP. Malungkot at pinili ni Angelo Reyes na hindi na tumulong at iwanan na lang ang mundong ito. Pero ang masasabi ko lang, hindi siya dumapa sa isang granada para isalba ang marami. Walang kinalaman ang pagiging PMA niya. Desisyon na niya iyon. Dapat magpatuloy ang imbestigasyon, kahit ano pa ang sabihin ninoman.