KAPAG sinabing opium, iisa ang iisipin ng lahat – droga! Kahanay ng heroine, shabu at iba pang substance na nakaka-addict. At ang opium umano ay inihahalo na ngayon sa pagkain particular sa tinapay at maaaring mabili sa supermarket sa taguring “poppy seeds”. May mga dayuhang restaurant diumano na nagsisilbi ng mga pagkaing may “poppy seeds’’.
Ilang taon na ang nakararaan, nagdulot ng pa-ngamba ang gatas na may melamine na nagmula sa China at naikalat dito sa Pilipinas. Kasunod ng balitang iyon ay ang mga produktong kendi at biskuwit na galing din sa China na may halong kemikal. Pagkatapos niyon, ang balita naman ukol sa arina na galing sa Turkey na may sangkap na nakaka-kanser. At ngayon nga, “opium” naman ang nasa pagkain. Ayon sa report, kapag nakain ang pagkaing may “opium’’, magpo-positibo sa opium ang sinumang kumain.
Napaka-delikado na maaaring malulong sa “opium” ang sinumang makakain.
Ayon kay Sen. Tito Sotto, ang Dangerous Drugs Board Technical Working Group ang nagpabatid sa kanya ng impormasyon ukol sa “opium” o poppy seeds na ginagamit sa kanilang inihahandang pagkain. Mayroon umanong supermarkets na nagbebenta ng poppy seeds. Karamihan sa mga restaurant na nagsisilbi ng pagkaing may poppy seeds ay ang tinatawag na kibab restaurant at ilan na rito ang sinalakay ng mga awtoridad.
Nakabahala rin naman ang balita na mayroon nang nagtatanim ng poppy seeds ilang lugar sa bansa. May natuklasang poppy plantation sa Benguet. Nagsasagawa na ng beripikasyon ang mga awtoridad ukol sa natuklasang plantasyon ng opium.
Nararapat na magsagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad ukol sa “opium’’. Siguruhin na walang opium na naihahalo sa mga pagkain at paigtingin pa ang pagsalakay sa mga restaurant, bakeshops at supermarket na nagbebenta nito. Hindi dapat ipagwalambahala ang nabulgar na ito sapagkat malalagay sa panganib ang kalusugan ng mamamayan.