Aksidente na naman dahil sa bus
NAGKAROON ng diskusyon ang Manila Police District-Homicide Investigators at Navotas City-Crime Investigator hinggil sa pagkatagpo sa dalawang hinihinalang salvages victims sa tulay na boundary ng Manila at Navotas sa Road-10. Tumagal ng may ilang oras ang pagtuturuan bago nagkaroon ng imbestigasyon sa crime scene. Sa kalaunan ay inako na ng Navotas City Police ang pag-iimbestiga subalit di pa rin malinaw kung sila na nga ang hahawak ng kaso. Dahil ayon sa aking mga nakausap, malabo na itong hawakan ng Navotas Police dahil mas nakalalamang umano na sa MPD na ang kargo nito dahil ang mga bangkay ay natagpuan sa southbound lane ng R-10 na katapat na ng paanan ng dating Smokey Mountain. At kung pagbabasehan ang bersyon ng MPD ay malamang na galing ito ng North Bay Boulevard at doon lamang itinapon upang iligaw ang awtoridad.
Kung sabagay dapat lamang silang tumanggi dahil ang mga bangkay ay natagpuang naka-masking tapes ang mga mukha, may mga tali ang paa at tadtad ng saksak ng ice pick sa dibdib na pawang naka-brief. Kayat malaki ang hinala na nagbawas ang taga-Navotas at MPD ng mga kriminal sa kanilang area of jurisdiction. Get n’yo mga suki?
* * *
Malagim ang nangyaring aksidente sa Regalado Avenue, North Fairview, Quezon City kahapon ng umaga. Isang Nissan Urvan (plate no. ZPV-293) ang binangga ng Jayross Lucky Seven Bus. Tumakas ang drayber ng bus na nakilalang si Magnayon.
Dapat kanselahin ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang prankisa ng JayRoss upang madisiplina ang kanilang mga dray ber. Ewan ko ba kung bakit patuloy pa rin ang mga kaskaserong drayber ng bus sa pagpapasada sa kabila ng paalaala ng Metro Manila Development Authority, Land Transportation Of fice at LTFRB. Kulang marahil ang batas na ipinaiiral ng pamahalaan kaya hindi kinakatakutan.
Mukhang may katotohanan ang kumakalat na balita na ang lahat ng mga driver ng mga pampublikong buses sa bansa ay kulang ang suweldo kaya naghahabol sila ng por-siyento sa bawat biyahe. Dapat pakialaman na ito ng DoLE dahil kung nasa tamang suweldo ang mga drayber tiyak na mababawasan ang pagiging kaskasero ng mga ito. At dapat na ring obligahin ni P-Noy ang mga bus operator na magkaroon sila ng terminal na magtatakda ng oras sa bawat biyahe upang hindi mag-agawan ng pasahero. Ewan ko kung may bayag si P-Noy na banggain ang bus operators. Abangan!
- Latest
- Trending